Isang lalaki ang nabiktima ng magnanakaw matapos na magpanggap umanong pari upang makuha ang loob ng biktima.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News nitong Linggo, Abril 6, 2025, ibinebenta umano ng biktima ang natangay niyang cellphone sa isang online marketplace kung saan nakilala niya ang suspek na siya umanong bibili sa naturang cellphone na nangkakalahalaga ng ₱74,000.
Nakipagkita raw ang suspek sa isang outreach center katapat ng isang simbahan matapos nitong igiit na isa isang pari.
Inilapag umano ng biktima ang cellphone unit habang nagsusulat ng kontrata nang hindi niya namalayang naibulsa na pala ito ng suspek at saka patay-malisyang lumabas.
Sinubukan pang habulin ng biktima ang suspek ngunit hindi na raw niya naabutan. Ayon sa biktima, plano sana niyang ipanghanda sa binyag ng kaniyang pamangkin ang kikitain sa nasabing pagbebenta ng cellphone na ninakaw.
Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa insidente.