Nakakaloka ang nangyari sa netizen na si Mich Keyshia Guevarra noong nag-ukay-ukay siya sa isang store sa Isetann Recto, Maynila.
Ang ukay-ukay ay isang paraan ng pamimili kung saan hinahalukay ng mga bumibili ang tambak na mga lumang damit hanggang sa makahanap siya ng maayos-ayos na isusuot sa murang halaga.
Pinaniniwalaang lumawig umano ang ganitong kultura ng kalakaran ng pagbebenta noong 1980 sa lungsod ng Baguio.
Sa isang Facebook post ni Mich noong Huwebes, Marso 27, ikinuwento niya kung paano humantong sa punto na nasaraduhan siya sa isang ukayan.
“Nasa fitting room ako noon, tapos biglang namatay 'yng ilaw. Akala ko brownout lang, pero maya-maya, narinig ko na isinara na talaga 'yung pinto,” lahad ni Mich.
“Na-alarma si beki kasi naka-panty lang ako!” pagpapatuloy niya.” Nagmadali akong isuot 'yung short ko, nag-flashlight ako, tapos narealize ko—sarado na talaga at wala nang tao.”
Kaya naman dahil sa kaba, kumatok daw nang kumatok si Mich. Nang wala pa ring nakakarinig sa kaniya, binawasan niya raw ang mga naka-display na sapatos sa harap ng pinto ng store para may makakita raw sa kaniya.
“Buti nalang may lalaking staff na lumabas na nagtatrabaho sa may laptop, nagulat pa siya bakit may tao sa loob,” sabi ni Mich.
Pero nang abisuhan daw ng staff ang guard ng store tungkol sa kalagayan niya, sinabi nitong naiuwi na raw ng may-ari ang susi.
Kaya naman nagpasaklolo na rin si Mich sa mga kaibigan niya. Sa isang hiwalay na post, ibinahagi ni Mariah Kate David ang screenshot message ni Mich sa group chat nila.
“Patulong daw po si Mich Keyshia Guevarra nasarhan po siya sa loob ng ukayan HAHAHAHA [...] WALA DAW PONG SUSI MGA GUARD NASA OWNER DAW NG UKAYAN,” saad ni Mariah sa caption.
Pero nakalabas din naman kalaunan si Mich dahil nasa kabilang branch lang naman daw pala ang may-ari.
“Paglabas ko, mga anim na guard nandun pati may ari sa kabilang branch, super nakakahiya,” dugtong pa ni Mich.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa mahigit 75k reactions, 7.2k shares, at 5.8m views ang video ni Mich na kuha sa loob ng store nang masaraduhan siya.