Usap-usapan ang Facebook post ng dating senate president at Chief Presidential Legal Counsel ng administrasyon na si Juan Ponce Enrile, patungkol sa napababalitang pagsasagawa ng protestang "OFW Zero Remittance Week" ng mga OFW, partikular sa Europa.
Ito ay para ipakita ang kanilang pag-alma sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity.
Mababasa sa Facebook post ni Enrile, Martes, Marso 25 ang isang "mapagkumbaba at unsolicited na paalala" para sa mga pinunong panlipunan at pampulitika, na sinuman daw ang nagbigay ng payo sa mga OFW na itigil ang pagpapadala ng kanilang kinikita sa bansa ay dapat na mag-isip nang maraming beses tungkol sa masamang epekto ng payong iyon sa mga kababayang naghahanapbuhay sa ibayong dagat.
"This is a humble unsolicited reminder to our social and political leaders. Whoever advised Filipino OFWs to suspend the remittance of their earnings abroad to the country should think many many times about the adverse consequences of that advice to our OFWs," aniya.
Iginiit ni Enrile na bawat aksyon ay may maaaring magkaroon ng ganting aksyon o counter action, laban sa mga OFW.
"As I said before. for every action there is always a possible counter action. If such an advice is followed by some OFWs, what will happen should Congress, for instance, retaliates and cancel or also suspend the tax privileges of the OFWs that follow the advice? The OFWs are income tax--free on their earnings abroad; they do not pay travel taxes; they do not pay airport fees; they are exempt from the documentary stamp taxes on their remittances; and they are also exempt from filing income tax returns," aniya.
Kaya naman, taos-puso raw niyang ipinapayo sa mga OFW na pag-isipang mabuti ang payong ito bago sila malagay sa alanganin dahil dito.
"I earnestly suggest to our OFWs to study carefully that advice to them before they get burned by it."
Sa isinagawang press briefing naman ng Malacañang, Martes, Marso 25, pinakalma ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang mga Duterte supporter na OFW na huwag makisangkot sa balak na ito dahil tiyak na makakaapekto sa ekonomiya ng bansa at sa mga pamilya nila.
"Of course, mas gugustuhin po natin na maging mahinahon ang bawat Pilipino sa ganitong klaseng isyu. Sana po ay malaman din po nila na ang pamahalaan at ang gobyerno ay tumutupad lamang sa ating batas," anang Usec Castro.
"At may mga Pilipino rin naman po na nagreklamo, nag-file ng complaint laban sa dating Pangulong Duterte, sana ay maging patas din po sila sa kanilang pananaw para po maibsan ang anumang puwedeng kahinatnan ng kanilang gagawin,” aniya pa.
“Pero siyempre po, kung hindi po sila magkakaroon at hindi sila magri-remit ng kanilang mga maaaring ipadala sa mga pamilya nila, hindi lamang po gobyerno ang maaapektuhan, pati ang kanilang mga pamilya. So, sana po ay maging mahinahon tayo sa ganitong mga klaseng issues," dagdag pa niya.
Ayon sa ulat, nagbabalak umano ang ilang mga grupo ng OFW, gaya ng grupong Maisug Croatia sa Europa na magkaroon ng isang linggong remittance stoppage dahil pa rin sa pagkakakulong ngayon ng dating pangulo sa ICC na nasa The Hague, Netherlands.
Tatawagin itong "OFW Zero Remittance Week."
Magsisimula umano sa Marso 28, 2025, kasabay ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Duterte, at magtatapos sa Abril 4.
KAUGNAY NA BALITA: Malacañang, nagsalita tungkol sa bantang 'zero remittance' ng OFWs dahil kay FPRRD