Nagbigay ng reaksiyon ang Pamilya Aquino sa pagkukumpara ni Vice President Sara Duterte kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. sa ama nitong si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa meet-and-greet event na inorganisa ng Duterte supporters sa Het Malieveld The Hague, Netherlands noong Linggo, Marso 23, ikinuwento ng bise-presidente na binalaan umano niya ang kaniyang ama na posibleng matulad sa sinapit ni Senador Ninoy dahil sa kagustuhan nitong umuwi.
“‘Yon ang gusto niya, gusto niyang umuwi. Sinabi ko din sa kaniya ‘yon, ‘Pa, sabi ko, ‘yong kagustuhan mo na umuwi, iyan din ‘yong katapusan ng buhay mo, magiging Ninoy Aquino Jr. ka’,” saad ni VP Sara.
MAKI-BALITA: VP Sara, binalaan si FPRRD na baka magaya kay Ninoy Aquino kung uuwi ng PH
Kaya sa Facebook post ng apo ni Senador Ninoy na si Francis “Kiko” Dee nitong Lunes, Marso 24, sinabi niyang ibang-iba raw ang ginawa sa lolo niya sa pinagdadaanan ngayon ni Duterte.
Aniya, “Kung pag-aaralan natin ang kasaysayan, makikita natin na ibang iba ang ginawa kay Ninoy sa pinagdadaanan ngayon ni dating Pang. Duterte.”
Matatandaang Agosto 1983 nang barilin sa Manila International Airport—na ngayo’y Ninoy Aquino International Airport (NAIA)—si Senador Ninoy, na kilalang kritiko ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., matapos ang kaniyang 3 taong exile sa Amerika.