Isang babae ang tinamaan ng ligaw na bala sa isang gang war na naganap sa Tondo, Manila nitong Lunes ng gabi.
Nalapatan na ng lunas sa pagamutan at nasa maayos na ring kondisyon ang biktimang si alyas ‘Genevieve,’ 28, na residente ng Riverside, Tondo.
Samantala, arestado naman ang dalawa sa mga nagrambulan gang members na sina alyas ‘Eddie,’ 25, miyembro ng notoryosong Sigue-sigue Sputnik Gang, at residente ng Permanent Housing, Tondo, at alyas ‘Ace,’ na miyembro naman ng notoryosong Commando Gang, 23, na residente ng Aroma Compound, Tondo.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-3:20 ng madaling araw ng Lunes nang maganap ang gang war sa Mel Lopez Boulevard, sa Road 10, Tondo na nauwi sa barilan at pagkasugat ng biktima dahil sa ligaw na bala.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek ngunit dalawa sa kanila ang naaresto rin sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ni PLTCOL John Guiagui, officer-in-charge ng District Intelligence Division (DID) ng Manila Police District (MPD), dakong alas-7:40 ng gabi ng Lunes.
Kasong frustrated murder ang kakaharapin ng mga suspek sa Manila Prosecutors Office dahil sa insidente.