March 19, 2025

Home BALITA National

Amihan at easterlies, patuloy na nakaaapekto sa PH

Amihan at easterlies, patuloy na nakaaapekto sa PH
Courtesy: PAGASA/website

Patuloy pa rin ang epekto ng weather systems na northeast monsoon o amihan at easterlies sa bansa ngayong Martes, Marso 18, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi bunsod ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Malaki naman ang tsansang magdadala ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, at Quezon.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

National

Mayor Baste, 'di totoong aarestuhin ng 40 pulis sa Davao

Samantala, inaasahan ding magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang magiging mga pag-ulan dito.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dulot naman ng easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).