Usap-usapan sa social media ang isa umanong bride-to-be na ginayuma raw ang sarili niyang groom at nang-scam ng kanilang wedding organizers sa Cagayan de Oro City.
Batay sa mga umano’y nagpakilalang wedding organizers ng “couple-to-be,” hindi umano natuloy ang kasal ng dalawa, matapos sabuyan ng asin ang groom—dahilan kung bakit daw ito natauhan.
Ayon umano sa mga salaysay ng florists, make-up artist at wedding organizers sa TikTok, maging sila raw ay biniktima ng naturang bride matapos daw hindi bayaran ang lahat ng ginastos sa kanilang dapat sana’y civil wedding. Nagpakilala umano ang bride na may mga kaanak sa malalaking politiko kung kaya’t iginiit niyang hindi raw problema kung hindi siya magbigay ng “down payment” sa organizers.
Saad pa ng kanilang wedding organizers, nagsimula na raw silang magtaka na may kakaibang nangyayari sa araw ng kasal ng dalawa, dahil wala rin umanong dumating na mga kaanak ng bride at groom. Tuluyan lamang daw na natuklasan ang katotohanan nang dumating ang kaibigan ng groom na siyang nagsaboy sa kaniya ng asin.
Sinasabing winisikan umano ng asin ang groom malapit sa kaniyang ulo at batok upang siya ay matauhan sa nangyayari. Bunsod nito, dito na raw nagulat ang lahat nang tila wala na raw maalala ang groom kung nasaan sila at kung ano ang nangyayari.
Samantala, ayon naman sa ulat ng 102.5 Brigada News FM CdeO noong Martes, Marso 11, 2025, posible umanong maharap sa kasong “estafa” ang nasabing scammer na bride mula sa nanggaling na reklamo mula sa wedding organizers.
Ayon kay Cogon Police Station Commander Major Sabino Labitad, nagkaroon umano ng kasunduan ang panig ng bride at ng wedding organizers na kinakailangang makapagbayad ang bride sa loob ng 10 araw.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang nasabing bride. Wala pa rin umanong inilalabas na pahayag ang sinasabing ginayumang groom at hindi pa ito nagsasampa ng reklamo sa pulisya.