March 12, 2025

Home FEATURES

TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD

TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
(Graphics: Nichole Therise Marcelo/BALITA)

Nitong Martes, Marso 11, nang isilbi na kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) para umano sa “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng war on drugs ng administrasyon nito.

MAKI-BALITA: FPRRD, sinilbihan na ng warrant of arrest ng ICC — Malacañang

Narito ang timeline ng mga pangyayari mula sa implementasyon ng madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, pag-iimbestiga ng ICC, hanggang sa naturang pagkaaresto sa dating pangulo.

Mayo 2016 – Kinagabihan ng 2016 elections, sinabi ni Duterte: “If I make it to the presidential palace I will do just what I did as mayor. You drug pushers, holdup men, and do-nothings, you better get out because I'll kill you.”

Human-Interest

Anong ibig sabihin kapag 'family-oriented' ang ka-date o karelasyon?

Hulyo 2016 – Matapos manumpa ni Duterte bilang pangulo noong Hunyo 30, 2016, idineklara niya ang implementasyon ng giyera kontra droga sa bansa. 

Oktubre 2016 – Inihayag ng noo’y ICC prosecutor na si Fatou Bensouda na binabantayan nila ang Pilipinas dahil sa tumataas na bilang ng mga pagkamatay dahil sa drug war operations.

Nobyembre 2016 – Tinawag ni Duterte ang ICC na “inutil” at sinabing binabalak niyang alisin ang Pilipinas bilang member-state nito, tulad ng ginawang pag-withdraw ni Russian President Vladimir Putin.

April 2017 – Naghain si Jude Sabio, ang abogado para sa self-confessed na dating hitman na si Edgar Matobato, ng unang reklamo sa ICC laban kay Duterte at iba pang senior officials nito. Iginiit niyang mayroon umano siyang “direct proof beyond reasonable doubt” hinggil sa mga pagpatay sa ilalim ng pamumuno ng dating pangulo.

Hunyo 2017 – Naghain ng reklamo sina dating Senador Antonio Trillanes at Magdalo representative Gary Alejano ng reklamo sa ICC, at hinikayat itong imbestigahan ang war on drugs ni Duterte dahil hindi umano interesado ang pamahalaan ng Pilipinas na panagutin siya.

Pebrero 2018 – Inanunsyo ng ICC na binubuksan nito ang isang preliminary examination sa mga pagpaslang na may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyong Duterte. Sinabi naman ni noo’y Presidential spokesperson Harry Roque na tinatanggap ni Duterte ang naturang preliminary examination at pagod na raw itong akusahan ng “crimes against humanity.” Sa kabila nito, sinabi ni Duterte na magpapatuloy pa rin ang operasyon ng war on drugs sa bansa.

Marso 2018 – Inanunsyo ni Duterte na magwi-withdraw na ang Pilipinas bilang member-state ng ICC “effective immediately.” Iginiit naman ng Rome Statute, ang founding document ng ICC, na magiging epektibo lamang ang withdrawal isang taon matapos ang “date of receipt” ng notification. Hindi rin umano makaaapekto ang hindi pagiging miyembro ng ICC sa criminal investigations at proceedings na nasimulan na nila bago pa man maging epektibo ang pagkalas ng isang bansa rito. Sa naturang buwan din pormal na ipinasa ng pamahalaan ng Pilipinas sa United Nations ang written notice of withdrawal nito mula sa ICC. 

Agosto 2018 – Naghain ng reklamo ang mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs sa pamamagitan ng Rise Up for Life and for Rights network. Hiniling nila sa ICC na ikulong na si Duterte dahil sa libo-libong indibidwal umanong nasawi dahil sa extrajudicial killings ng administrasyon nito. 

Marso 2019 – Naging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas bilang member-state ng ICC. Sa kabila nito, nagpatuloy ang imbestigasyon ng ICC hinggil sa umano’y mga paglabag sa karapatang pantao ng war on drugs. Samantala, bilang hindi na miyembro ng ICC, hindi na nakipagtulungan ang pamahalaan ng Pilipinas sa imbestigasyon hinggil sa drug war.

Enero 2020 – Binawi ni Sabio ang kaniyang reklamo mula sa ICC at sinabing nagiging political propaganda lamang umano ito nina Trillanes, dating Senador Leila de Lima, at kanilang partidong Liberal Party (LP). Pinasinungalingan naman ni noo’y Vice President Leni Robredo ang naturang pahayag ni Sabio. Samantala, sinabi ng Office of the Prosecutor ng ICC na hindi nito maibabasura ang impormasyon matapos itong maipasa sa kanila at wala rin daw epekto ang pagbawi ni Sabio ng reklamo sa kanilang preliminary examination.

Disyembre 2020 – Ipinahayag ni ICC prosecutor Bensouda na mayroong resonableng basehan upang paniwalaang nagkaroon ng “crimes against humanity” sa Pilipinas kaugnay ng mga pagpatay sa implementasyon ng war on drugs ng administrasyong Duterte. Binanggit niya na nangyari ang mga krimen sa pagitan ng Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 19, 2019. Tinawag naman ng administrasyong Duterte ang pahayag ng ICC bilang isang “political propaganda.” Samantala, hindi nakapagsagawa ng preliminary examination ang ICC para magbukas ng formal investigation dahil sa Covid-19 pandemic.

Hunyo 2021 – Nag-apply para sa authorization si ICC prosecutor Bensouda sa pre-trial chamber upang buksan ang imbestigasyon sa mga pagpatay sa war on drugs sa ilalim ng administrasyong Duterte sa bansa, at maging sa kaniyang panahon bilang alkalde ng Davao City mula 2011 hanggang 2016. Sa naturang buwan ay nag-retire si Bensouda sa ICC at pinalitan siya ni Karim Khan. 

Setyembre 2021 – Inaprubahan ng ICC pre-trial chamber ang hiling ni Bensouda na magbukas ng imbestigasyon hinggil sa mga krimeng nangyari sa Pilipinas nang miyembro pa lamang ito ng ICC mula 2011 hanggang 2019. Kasama sa imbestigasyon ng ICC ang mga pagpatay ng umano’y Davao Death Squad noong alkalde pa lamang si Duterte ng Davao City sa pagitan ng 2011 at 2016. 

Nobyembre 2021 – Pormal na hiniling ng administrasyong Duterte sa ICC na itigil na ang imbestigasyon nito sa umano’y mga paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng war on drugs. Matapos ang ilang mga araw, pansamantalang sinuspinde ng ICC Prosecutor’s Office ang imbestigasyon nito.

Hunyo 2022 – Hiniling ni ICC prosecutor Khan sa ICC pre-trial chamber na ipagpatuloy ang pag-imbestiga nito sa war on drugs sa Pilipinas, at iginiit na hindi umano makapagpakita ang pamahalaan ng bansa ng kahit na isang indibidwal na naimbestigahan hinggil sa mga pagpatay kaugnay ng drug war.

Enero 2023 – Muling binuksan ng ICC pre-trial chamber ang imbestigasyon nito sa mga pagpatay sa war on drugs sa Pilipinas. 

Pebrero 2023 – Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC at iginiit na isang “sovereign nation” ang bansa. Naghain ang pamahalaan ng Pilipinas ng notice of appeal na humihiling sa ICC na isuspinde ang pagpapatuloy ng imbestigasyon nito sa war on drugs. Samantala, hiniling ni ICC Prosecutor Khan sa appeals chamber ng korte na ibasura ang hiling ng Philippine government.

Marso 2023 — Naghain ang Office of the Solicitor General (OSG) ng apela upang baguhin ang desisyon ng ICC na ipagpatuloy ang imbestigasyon dahil wala umanong jurisdiction ang Hague-based tribunal nang kumalas ang Pilipinas noong 2019. Binasura naman kalaunan ng ICC Appeals Chamber ang hiling na pamahalaang suspendihin ang imbestigasyon.

Nobyembre 2023 – Ipinahayag ni Pangulong Marcos na pinag-aaralan ng kaniyang administrasyon ang posibleng pagbabalik ng Pilipinas bilang member-state ng ICC.

Enero 2024 – Iginiit ni Pangulong Marcos na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng administrasyong Duterte. Ito ay matapos sabihin ni Trillanes IV na pumasok ang ICC investigators sa Pilipinas noong Disyembre at nakakuha na umano ng ebidensya laban kay dating Pangulong Duterte. 

Hunyo 2024 – Isiniwalat ni human rights lawyer Chel Diokno sa pagdinig ng Kamara na 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula lamang Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017, base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Hulyo 2024 – Ipinahayag ni ICC assistant counsel Kristina Conti na pinangalanan ng Office of the Prosecutor sina dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Senador Ronald "Bato" dela Rosa at apat na iba pang dating top PNP officials bilang "possible suspects" ng imbestigasyon nito sa drug war.

Marso 9, 2025 – Kinumpirma ni dating Pangulong Duterte sa ginanap na “Pasasalamat kay PRRD” event na ginanap sa Wan Cai, Hong Kong na nabalitaan niyang naglabas na ang ICC ng arrest warrant laban sa kaniya.

Marso 11, 2025 – Sa kaniyang pagbabalik ng Pilipinas mula Hong Kong, sinilbihan si Duterte ng arrest warrant mula sa ICC, at kasalukuyan na siyang nasa kustodiya ng mga kinauukulan.

Ayon sa datos ng pamahalaan, mahigit 6,200 ang mga nasawi sa war on drugs ng administrasyong Duterte mula 2016 hanggang 2022. Samantala, base sa tala ng human rights groups, aabot sa 27,000 ang mga nasawi mula sa naturang madugong giyera kontra droga sa bansa.