March 12, 2025

Home BALITA

Mga Obispo, naniniwalang napapanahon nang harapin ni ex-Pres. Duterte ang ICC

Mga Obispo, naniniwalang napapanahon nang harapin ni ex-Pres. Duterte ang ICC
Dating Pangulong Rodrigo Duterte (file photo)

Nagpahayag ng paniniwala ang mga obispo ng Simbahang Katolika na napapanahon na upang harapin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang pananagutan kaugnay sa kaniyang war on drugs.

Ito ang naging reaksiyon ng mga obispo kaugnay ng pag-aresto kay Duterte, batay sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya para sa “krimen laban sa sangkatauhan.”

BASAHIN: FPRRD, sinilbihan na ng warrant of arrest ng ICC — Malacañang

Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, na siya ring pangulo ng Caritas Philippines, ang tunay na katarungan ay walang kinikilingan sapagkat walang sinuman ang mas nakahihigit sa batas.

Metro

EDSA Shrine, bantay-sarado na ng mga awtoridad

Ipinaliwanag ng obispo, na siya ring chairman ng Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na ang katarungang panlipunan ay nangangahulugang pagbibigay ng proteksyon sa karapatan ng bawat mamamayan at pagpapanagot sa sinumang magsantabi sa karapatang pantaong tinataglay ng bawat isa.

"For years, former President Duterte has claimed that he is ready to face the consequences of his actions. Now is the time for him to prove it... True justice is not about political allegiance or personal loyalty—it is about accountability, transparency, and the protection of human dignity. We urge Duterte to uphold his own words and submit himself to the legal process," pahayag pa ni Bagaforo, sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Sa kaniyang panig, sinabi naman ni Caritas Philippines Vice President at San Carlos Bishop Gerardo Alminasa na marapat lamang na managot ang lahat ng mga may kaugnayan at sangkot sa marahas na implementasyon ng War on Drugs ng administrasyong Duterte upang mabigyan ng katahimikan, at katarungan ang bawat biktima at kanilang mga naiwang mahal sa buhay.

Aniya pa, mahalagang magkaisa ang lahat upang matiyak na hindi na muling mauulit pa ang paglaganap ng karahasan at pagsasantabi sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino.