Usap-usapan ang kuhang CCTV footage sa isang escalator malfunction ng MRT-3 Taft Avenue station sa Maynila noong Sabado, Marso 8, bandang 10:00 ng umaga.
Sa ulat ng ABS-CBN News kung saan naka-upload mismo ang kuhang CCTV footage, makikitang habang tahimik na nakatayo ang mga pasahero sa escalator ay bigla na lang bumaligtad ang takbo nito, na nagpadausdos naman pababa sa mga nakasakay.
Tinatayang nasa 10 katao raw ang nasaktan sa nabanggit na insidente.
Ayon sa Facebook post ng isang nakasama sa insidente na nagngangalang "Aya," sinagot naman daw ng pamunuan ng MRT ang medical bills nila at inacknowledge naman ang nangyari.
"Napahawak ako sa railing sabi ko 'oh my God, oh my God.' Nabitawan ko rin po kasi nagtutulakan na, parang stampede yung nangyari, nagbagsakan. Isa rin yun sa mga naisip ko, na what if magbukas ‘to, what if last day ko na sa earth," aniya.
Humingi naman ng paumanhin si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa nangyari, maging ang pamunuan ng MRT.