March 10, 2025

Home BALITA National

VP Sara, hinikayat mga botanteng huwag magbenta ng boto: 'Nakatago siya sa ayuda'

VP Sara, hinikayat mga botanteng huwag magbenta ng boto: 'Nakatago siya sa ayuda'
VP Sara Duterte (Photo courtesy: ABS-CBN News/YouTube screengrab)

Matapos niyang humingi ng pasensya nang mabudol daw sila noong 2022 national elections, hinikayat ni Vice President Sara Duterte ang mga botanteng huwag ibenta ang kanilang mga boto sa 2025 midterm elections.

Sa ginanap na “Pasasalamat kay PRRD” event na ginanap sa Wan Cai, Hong Kong nitong Linggo, Marso 9, sinabi ni Duterte na hindi na umano siya mag-eendorso ng kandidato dahil baka sabihan daw muli siya ng kaniyang mga tagasuporta na “nabudol” sila dahil sa kaniya.

MAKI-BALITA: VP Sara, humingi ng pasensya sa nangyari noong 2022 elections: ‘Nabudol ako’

“Ngayon, pipili na naman tayo ng mga opisyal ngayong Mayo. Sabi ko nga sa inyo, nadala na ako, na-scam na ako, nabudol na ako. Hindi ako mag-endorso ng kandidato. Kasi baka pagkatapos ng eleksyon, sasabihin n’yo na naman, ‘Na-scam kami Inday Sara dahil sa iyo.’ Ang gagawin ko para sa inyo, sasabihin ko, ano ba ang kailangan nating gawin as a voter?” ani Duterte.

National

Hindi nag-sorry? Mag-inang nakaranas ng 'laglag-bala,' parang tinratong basura

Unang payong binanggit ng bise presidente ang tungkol sa pagbebenta ng boto, na iginiit niyang “nakatago sa ayuda.”

“Huwag nating ibenta ang boto natin. ‘Di ba? Ngayon, legitimate na ang vote-buying. Nakatago siya sa ayuda. Ganoon na ang mga politiko ngayon,” ani Duterte.

Ibinahagi rin ng bise ang isa raw niyang karanasan kung saan nalaman daw niya mula sa isa niyang kaibigan na may mga politikong ginagamit ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged (TUPAD) at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa kanilang pangangampanya.

“Bibigyan ko kayo ng example ha, ng experience ko sa mga pagbibigay ng ayuda o vote-buying,” aniya. 

“Noong barangay election na nakaraan, bago lang, tinanong ko yung isang kaibigan ko, ‘Ano ba ang ginagawa mo na suporta sa barangay candidates?’ Tapos sabi niya, ‘Ang ginagawa ko, humihingi ako ng TUPAD at AICS at binibigay ko sa mga barangay captain para ibigay nila sa supporters nila.’ So sabi ko sa kaniya, ‘Ah, okay.’ Hindi ko magawa na ganiyan yung suporta na ibigay ko sa mga ah local o barangay candidates,” kuwento pa ni Duterte.

“Pero totoo yan. Hindi man pinag-uusapan. Candidates. Pero totoo yan. Hindi man pinag-uusapan pero totoo yan na nangyayari. Nakikita nyo ‘yan. Nakikita nyo yan doon sa mga probinsya ninyo. Kaya ang una, huwag nating ibenta ang boto,” saad pa niya.

Bukod dito, binanggit din ng bise na dapat tingnan din daw ng mga botante kung may pangako ang isang kandidatong napako, at huwag daw nilang iboto ang isang kandidato dahil lang sa galing ito sa kilalang pamilya.

Inaasahang gaganapin ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.