Tikom ang bibig ng International Criminal Court (ICC) Office of the Prosecutor (OTP) hinggil sa umano'y warrant of arrest para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kaniyang madugong kampanya kontra droga.
Sa ipinadalang mensahe ng ICC-OTP sa GMA Integrated News nitong Lunes, Marso 10, 2025, sinabi nitong hindi raw sila magkokomento tungkol sa nagpapatuloy nilang imbestigasyon sa drug war ni FPRRD, gayon na rin sa umuugong na balita ng paglalabas nila ng warrant of arrest laban sa dating Pangulo.
"The ICC Office of the Prosecutor does not comment on ongoing investigations and has no comment on these reports," anang ICC-OTP.
Matatandaang kamakailan lang nang pumutok ang mga ulat tungkol sa paglipad nina FPRRD patungong Hong Kong, bunsod umano ng pagkakaroon niya ng warrant of arrest mula sa ICC.
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, VP Sara, nagpunta sa Hong Kong para sa PDP sortie
Samantala, nilinaw naman ng Malacañang na hindi umano nila kinukumpirma ang nasabing warrant of arrest para sa dating Pangulo, bagama’t nakarating na raw sa kanila ang mga ulat patungkol dito.
KAUGNAY NA BALITA: Malacañang, walang kumpirmasyon sa umano’y arrest warrant ng ICC vs FPRRD
Kaugnay nito, muli ring iginiit ng Palasyo na nakahanda raw silang umaksyon kung sakaling totoong may warrant of arrest laban kay FPRRD, kung mamamagitan lamang daw ang International Criminal Police Organization (Interpol) upang tulungan ang ICC.
KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, nakahandang makipagtulungan sa Interpol hinggil sa umano'y ICC warrant ni FPRRD