May ibang bersyon si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque hinggil sa mga report ng umano’y warrant of arrest para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pamamagitan ng Facebook live nitong Linggo, Marso 9, 2025, iginiit ni Roque na may nakapagsabi sa kaniyang hindi raw galing sa International Criminal Court (ICC) ang umano’y warrant of arrest para sa dating Pangulo.
"Nakatanggap din po ako ng report galing din sa isang reporter. Na mayroon daw po talagang warrant of arrest ang ating Presidente Digong pero hindi po galing sa ICC. Ito po daw ay para sa kasong incitement of sedition," ani Roque.
Matatandaang gumawa ng ingay sa social media ang umano'y pagpunta raw nina FPRRD sa Hong Kong upang magtago sa di umano'y inilabas ng arrest warrant ng ICC hinggil sa dati niyang kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, VP Sara, nagpunta raw sa Hong Kong para sa PDP sortie
Paglilinaw pa ni Roque, "Ngayon po ang alam lang natin sa isang impormante, incitement for sedition lang po ang warrant na isisilbi kay dating Presidente Rodrigo Roa Duterte pagdating niya galing sa Hong Kong."
Samantala, nauna na ring igiit ni reelectionist Senator Bong Go na nagpunta raw si FPRRD sa Hong Kong upang personal na bisitahin ang ilang Overseas Filipino Worker (OFW) sa nasabing bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Pagpunta ni FPRRD sa Hong Kong, para sa mga OFW!—Sen. Go