March 10, 2025

Home BALITA National

Palasyo, nakahandang makipagtulungan sa Interpol hinggil sa umano'y ICC warrant ni FPRRD

Palasyo, nakahandang makipagtulungan sa Interpol hinggil sa umano'y ICC warrant ni FPRRD
Photo courtesy: Interpol and Balita file photo

Muling iginiit ng Palasyo na nakahanda raw silang makipagtulungan sa International Criminal Police Organization (Interpol) kung sakaling tuluyang maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga. 

Sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo kay Palace Press Officer Claire Castro nitong Linggo, Marso 9, 2025, nilinaw niyang bagama't walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas, maaari pa rin umanong makipagtulungan ang bansa hinggil sa umano'y warrant of arrest kung sakali raw na pumasok ang Interpol.

"Sinabi nga po ng Pangulo, ang ICC ay walang hurisdiksyon sa ngayon, kasi hindi na po tayo miyembro. Pero kung ang Interpol naman po ay hihingan ng tulong ng ICC, sa Interpol po tayo makikipag-ugnayan at makikipagtulungan," ani Castro.

Matatandaang muling umugong ang umano'y warrant of arrest laban kay FPRRD kamakailan, maging ang di umano'y paglabas na raw nito ng bansa patungong Hong Kong upang takasan ang naturang warrant.  

National

FPRRD, iginiit na ipinatupad drug war para sa mga Pinoy: ‘Sino ba namang gustong pumatay?’

KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, VP Sara, nagpunta raw sa Hong Kong para sa PDP sortie

Isinaad din ni Castro na maaaring ipatupad ang hold departure order laban kay FPRRD kung sakali raw na totoong may warrant of arrest na at tuluyang mamagitan ang Interpol upang arestuhin ang dating Pangulo. 

"Kapag ka naman may warrant of arrest, at sinabi nga ng Palasyo sa pamamagitan ni Executive Secretary (ES) Lucas Bersamin, kung makikipagtulungan ang Interpol, at nandiyan nga ang warrant of arrest, tayo po ay tutulong," saad ni Castro.

Dagdag pa niya, "Most probably 'yan din po ang gagawin ng gobyerno, ng pamahalaan, ng administrasyon. Kung nandiyan na po ang warrant of arrest ay talaga pong susunod ang hold departure order."