March 09, 2025

Home BALITA National

Amihan, shear line, easterlies patuloy na umiiral sa bansa

Amihan, shear line, easterlies patuloy na umiiral sa bansa
Courtesy: Phivolcs/website

Patuloy pa rin ang pag-iral ng weather systems na northeast monsoon o amihan, shear line, at easterlies sa bansa ngayong Linggo, Marso 9, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang shear line—na tumutukoy sa linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Bicol Region, Cordillera Administrative Region, Mainland Cagayan, Isabela, Aurora, Rizal, Laguna, at Quezon.

Malaki rin ang tsansang magdudulot ang easterlies—na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Davao Region, Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, at Palawan.

Pinag-iingat ng weather bureau ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

National

FPRRD, iginiit na ipinatupad drug war para sa mga Pinoy: ‘Sino ba namang gustong pumatay?’

Samantala, inaasahang magdadala ang malamig na hanging amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Batanes, Babuyan Islands, at Ilocos Norte. Wala namang inaasahang malaking epekto ang magiging mga pag-ulan dito.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Lunes bunsod ng shear line. Ganoon din ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dulot naman ng easterlies.

Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).