March 06, 2025

Home BALITA National

Romualdez, binigyang-pugay 2 piloto sa FA-50 jet fighter plane crash

Romualdez, binigyang-pugay 2 piloto sa FA-50 jet fighter plane crash
(MB file photo)

“Ang sakripisyong ito ay isang paalala sa ating lahat kung gaano kahalaga ang patuloy nating pagkakaisa bilang isang bansa…”Binigyang-pugay ni House Speaker Martin Romualdez ang dalawang piloto ng Philippine Air Force (PAF) na sakay ng FA-50 jet fighter plane na bumagsak sa Bukidnon.

Matatandaang noong Martes, Marso 4, nang kumpirmahin ng PAF na nawawala ang isa nitong FA-50 fighter jet habang isinasagawa nito ang tactical nights operation.

BASAHIN: Fighter jet ng Philippine Air Force, nawawala!

Noon namang Miyerkules, Marso 5, nang mahanap ang naturang fighter jet sa Mt. Kalatungan, Bukidnon, at dito kinumpirma ng PAF na nasawi ang dalawang pilotong sakay nito.

National

WALANG PASOK: Class suspension para sa Biyernes, Marso 7

Kaugnay nito, sa isang pahayag nitong Huwebes, Marso 6, sinabi ni Romualdez na isang kabayanihan ang ipinamalas ng dalawang piloto ng PAF na “nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan.”

“Sila ay hindi lamang mga sundalo; sila ay mga anak, kapatid, at ama na iniwan ang kanilang mga mahal sa buhay upang gampanan ang isang dakilang misyon. Sa kanilang huling paglipad, dala nila ang pangarap ng bawat Pilipino para sa isang ligtas, payapa, at maunlad na bansa,” ani Romualdez.

“Ang sakripisyong ito ay isang paalala sa ating lahat kung gaano kahalaga ang patuloy nating pagkakaisa bilang isang bansa. Hindi lamang ito laban ng ating mga sundalo; ito ay laban ng bawat Pilipino laban sa takot, karahasan, at pang-aabuso.”

Ipinangako naman ng House leader na patuloy raw na palalakasin ng Kongreso ang Sandatahang Lakas at sisiguruhing sapat ang suporta para sa mga sundalo ng bansa.

“Sinisiguro namin sa Kongreso na hindi masasayang ang kanilang dugo at pawis. Patuloy nating palalakasin ang ating Sandatahang Lakas, titiyakin ang sapat na suporta para sa ating mga sundalo, at ipaglalaban ang isang bansa kung saan ang kapayapaan ang mananaig,” ani Romualdez.

“Sa pamilya ng ating mga bayaning piloto: hindi kayo nag-iisa. Ang buong sambayanan ay nakikiisa sa inyong pagdadalamhati. Ang ating Pangulong Ferdinand "Bongbong" R. Marcos Jr. at kanyang gobyerno ay nandito upang siguraduhin na ang inyong mga mahal sa buhay ay kikilalanin hindi lamang bilang sundalo, kundi bilang mga bayani ng ating bayan.”

“Sa lahat ng sundalong Pilipino— sa himpapawid, sa lupa, sa dagat— saludo kami sa inyo. Ang inyong tapang at dedikasyon ang dahilan kung bakit patuloy tayong namumuhay nang malaya. Maraming salamat sa inyong serbisyo at malasakit,” saad pa niya.