“You will always be in my heart…”
Nagluluksa ngayon ang fiancée ng isang piloto ng Philippine Air Force (PAF) na nasawi sa FA-50 jet fighter plane, lalo na’t nakatakda na raw sana silang magpakasal sa susunod na linggo.
Sa Facebook post ni Alyssa Coleen Columbino, isa ring miyembro ng PAR, nitong Miyerkules, Marso 5, ibinahagi niya ang ilang masasayang larawan nila ng kaniyang fiancée na si AJ Dadulla, isa sa dalawang pilotong sakay ng bumagsak na FA-50 jet fighter sa Bukidnon.
Ani Alyssa, proud siya sa kabayanihan ng kaniyang kasintahan at palagi itong mananatili sa kaniyang puso.
“I am so proud of you, my love. You will always be in my heart,” saad ni Alyssa sa kaniyang post.
“I love you and til we meet again, love,” dagdag niya.
Parehong miyembro ng PAF sina Alyssa at AJ, at ayon sa ulat ng ABS-CBN News, ikakasal na sana ang dalawa sa susunod na Sabado, Marso 15, 2025.
Matatandaang noong Martes, Marso 4, nang kumpirmahin ng PAF na nawawala ang isa nitong FA-50 fighter jet na sinasakyan ni AJ at isa pang piloto habang isinasagawa nito ang tactical nights operation.
BASAHIN: Fighter jet ng Philippine Air Force, nawawala!
Samantala, noong Miyerkules nang mahanap ang naturang fighter jet sa Mt. Kalatungan, Bukidnon, at dito kinumpirma ng PAF ang pagkasawi ng nasabing dalawang pilotong sakay nito.