Nagbigay ng reaksiyon si Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers sa mga patong-patong na kasong isinampa laban sa kaniya ng mga tinawag na "vloggers" noong Miyerkules, Marso 5, sa Quezon City Prosecutor's Office.
Makikita sa Facebook post ng isa sa mga nagsampa ng kaso na si Atty. Trixie Cruz-Angeles ang larawan nila ng ilang social media influencers gaya nina Dr. Lorraine Badoy, Joie De Vivre, MJ Quiambao Reyes, Mark Anthony Lopez, Cathy Binag, at iba pa, nang maghain sila ng kaso.
Ang dahilan daw ng pagsasampa ng kaso ay direktang pag-akusa umano sa kanila ni Barbers na "narco vloggers" at may kaugnayan umano sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Sa panayam naman ng SMNI News kay Atty. Cruz-Angeles, sinabi niyang isa sa mga epekto ng umano'y pagdawit sa kanila sa POGO at ilegal na droga ay may kasamang pangamba para sa kanilang mga mahal sa buhay.
"Siyempre may kasama na diyang pangamba, sleepless nights, nag-aalala sa mga kamag-anak, sa mga pamilya, sa lagay namin, sa trabaho ng ilang mga nandito, and as well to our social media accounts. May iba sa amin monetized na 'yong social media, may danger na matanggal 'pagka may fake news. So ito nga po, 'yong pagko-connect na walang kabasehan talaga, isa sa mga basehan ng pag-file ng kaso sa araw na ito," aniya.
Matapos ang pagsasampa ng kaso ay nagdaos sila ng media conference sa isang restaurant sa Diliman, Quezon City.
MAKI-BALITA: Rep. Ace Barbers, sinampahan ng patong-patong na kaso ng 'vloggers'
Sa dalawang privilege speech ni Barbers nitong Huwebes, Marso 6, hindi raw siya bothered sa isinampang mga kaso sa kaniya, subalit naiintriga lamang daw siya kung bakit pumalag daw ang mga nangkaso sa kaniya sa terminong "narco-vloggers" gayong wala naman daw siyang binabanggit o tinutukoy na pangalan mula sa hanay nila.
“If those who filed the libel cases against me all felt alluded to as narco-vloggers, then it could be seen or interpreted that indeed they were. Bakit kayo masasaktan kung hindi kayo guilty?" anang Barbers, batay na rin sa ulat ng Manila Bulletin.
Dagdag pa raw ni Barbers, “I always abide by the Constitutional provision on free speech and expression, but this cannot and should not be used as a license to besmirch people’s reputations and throw expletives at their subjects, concoct false or fake narratives and propaganda lines. And I firmly believe that they are not doing it for free."
Sinabi pa ni Barbers na ang mga pinatawag daw nilang vloggers na naghain ng petisyon sa Korte Suprema kamakailan, gayundin ang mga nagsampa ng kaso sa kaniya, ay pinatawag na raw sa tri-comm hearings subalit ipinasyang huwag dumalo.
"Malinaw rito na gusto nilang gamitin ang mga korte na fodder o panangga sa kanilang pagpapakalat ng kasinungalingan at paninirang-puri ng mga tao na kontra o di umaayon sa kanilang mga politikal na adhikain,” aniya.
Dagdag pa ni Barbers, ipinakita raw ng hindi nila pagsipot sa tri-comm hearings ang kanilang pagkaduwag at hindi kayang panindigan ang kanilang mga umano'y pinagsasasabi at umano'y ipinakakalat na kasinungalingan at paninirang-puri sa social media.
Samantala, wala pang opisyal na tugon o reaksiyon ang mga nagsampa ng kaso tungkol sa kaniyang mga pahayag.