March 04, 2025

Home FEATURES

Kaninong administrasyon ang dapat managot sa gumuhong ₱1-bilyong halagang Cabagan-Sta. Maria Bridge?

Kaninong administrasyon ang dapat managot sa gumuhong ₱1-bilyong halagang Cabagan-Sta. Maria Bridge?
Photo Courtesy: DPWH

Gumulantang sa madla ang balita tungkol sa pagguho ng bagong gawa lang na Cabagan-Santa Maria Bridge sa Barangay Casibarag Norte, Cabagan, Isabela noong Pebrero 27.

Ayon sa pahayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Region 2 noong Pebrero 28, pagdaan ng dump truck ang itinuturong dahilan ng pagguho ng tulay na sinabayan pa ng dalawang Sports Utility Vehicles (SUV), at isang motorsiklo 

Mahigit doble umano ang bigat ng truck kumpara sa 45 toneladang maximum capacity sa lahat ng tulay sa Pilipinas.

BASAHIN: 6 sugatan sa gumuhong bagong gawang tulay sa Isabela

Human-Interest

Mga estudyante, nag-ambagan para sa natapong paninda ng taho vendor

Ang Cabagan-Santa Maria Bridge ay itinuturing na landmark bridge sa Isabela na mag-uugnay sa bayan ng Cabagan at Santa Maria sa Isabela.

2014

Sinimulan ang konstruksyon ng Cabagan-Santa Maria Bridge noong Nobyembre 2014 sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Benigno Aquino III (2010-2016)

Bahagi ito ng inisyatiba ng administrasyong Aquino na mapabuti ang imprastraktura ng Cagayan Valley region. Ang proyekto ay kinontrata ng DPWH sa R.D. Interior, Jr. Construction firm. 

Ang proyekto ay may inisyal na pondo na ₱639.6 milyon.

2018

Makalipas ang halos apat na taon, sa ikalawang taon ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte (2016-2022), hindi pa rin binubuksan ang Cabagan-Santa Maria Bridge sa publiko. 

Sa parehong taon, ni-revise umano ng DPWH ang cost estimate ng konstruksyon ng tulay sa ₱1.64 bilyon, anila, para umano ito sa karagdagang structural requirements.

Ayon sa DPWH, patuloy umano ang pagsasaayos nito dahil malaki ang magiging benepisyo nito sa mahigit dalawang libong motorista.

“The project will spur socio-economic development and increase productivity in the areas to alleviate the living condition of the populace as well as improve and provide direct access to and between outlying barangays, municipalities and cities,” saad ni DPWH Region 2 Director Melanio C. Brioso.

Inasahang matatapos noong 2019 ang proyekto, gayunman, hindi pa rin ito natapos.

2019

Hindi muli natapos ang konstruksyon ng Cabagan-Santa Maria Bridge noong 2019 dahil sa mga umano’y depekto sa pundasyon at disenyo nito. Kaya naglabas muli ng karagdagang pondo para sa retrofitting ng tulay, ayon sa mga ulat. 

2021

Nakumpleto na ang konstruksyon ng Cabagan-Santa Maria Bridge ngunit hindi pa rin ito binuksan sa publiko, dahil sa parehong taon, may nadiskubre pa umanong depekto sa proyekto at naglaan muli ng karagdagang pondo para sa retrofitting.

2023

Muling napalitan ang pangulo ng bansa. Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. nagpatuloy ang konstruksyon ng Cabagan-Santa Maria Bridge.

Ayon umano sa kontrata sa pagitan ng DPWH at R.D. Interior, Jr. Construction noong Mayo 24, 2023, lumilitaw na kinailangan umanong isailalim sa retrofitting ang tulay sa loob ng 330 araw. 

Ang halagang ₱274 milyon na ginamit sa pagsasaayos ng proyekto ay mula sa Republic Act 11936 o 2023 General Appropriations Act.

2024

Nang sumunod na taon, Mayo 28, 2024, muli na namang kinontrata ng DPWH ang R.D. Interior, Jr. Construction upang magsagawa ulit ng retrofitting sa tulay sa loob ng 180 araw.

Gumastos ang DPWH ng ₱115 milyon sa kontratang ito na ang budget ay galing sa Republic Act 11975 o 2024 General Appropriations Act.

Ngunit depensa ni DPWH, OIC Regional Director Matias Malenab, “Ang main reason ng retrofitting natin is to additional strengthening para sa earthquake effect.”

2025

Pebrero 1, 2025 nakumpleto at opisyal nang binuksan sa publiko ang Cabagan-Santa Maria Bridge upang madaanan na ng mga sasakyan.

Gayunman, matapos ang isang dekadang paggawa, gumastos ng mahigit ₱1 bilyong halaga–gumuho ang Cabagan-Santa Maria Bridge, halos isang buwan matapos itong makompleto at buksan sa publiko.

Noong Marso 1, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na pinaiimbestigahan ni Pangulong Marcos ang gumuhong tulay, kung ito raw ba ay may “bahid ng korapsyon” at kung “sino ang may pagkakamali rito.”

“Ito talaga ay papaimbestigahan. Kapag nalaman natin kung sino ang mayroong pagkakamali dito at may bahid nga ng korapsyon, kung may bahid ng korapsyon ay dapat may managot, makulong,” saad ni Castro. 

SINO NGA BA ANG DAPAT MANAGOT?

Habang isinusulat ito, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa pagguho ng Cabagan-Santa Maria Bridge. Nakipagtulungan na rin ang DPWH Region II sa Bureau of Design and Bureau of Construction upang ma-assess kung ano ang naging problema sa istruktura.

"Further analysis on the cause of failure is still on-going and DPWH Region 2 has requested experts from the Bureau of Design and Bureau of Construction in the Central Office to conduct further evaluation and assessment," saad ng DPWH Region II.