March 04, 2025

Home BALITA

Buwan ng Kababaihan: Camille Villar, itinutulak ang mas maraming oportunidad para sa kababaihan

Buwan ng Kababaihan: Camille Villar, itinutulak ang mas maraming oportunidad para sa kababaihan

Ipinangako ng kandidatong senador na si Camille Villar ang suporta sa mga inisyatibang magsusulong ng pagpapalakas ng kababaihan sa parehong pamahalaan at pribadong sektor.

Sa kanyang kamakailang pagbisita sa Luna, Isabela, binigyang-diin ni Villar ang maraming papel na ginagampanan ng kababaihan sa pamilya, lalo na ang matitinding responsibilidad ng mga ina sa pagpapatakbo ng kanilang tahanan.

“Nang nasa distrito ako, ang gustong-gusto kong tulungan ay ang mga nanay. Dahil bilang isang nanay, lubos kong nauunawaan ang maraming papel na ating ginagampanan,” ani Villar, isang ina ng dalawang anak.

“Inaalagaan natin ang ating mga anak, ating mga asawa, at maging ang ating mga magulang at kapatid. Sinisigurado nating maayos ang pagpapatakbo ng ating tahanan habang ginagampanan ang iba’t ibang responsibilidad,” dagdag niya.

National

4 lugar sa PH, makararanas ng 'dangerous' heat index sa Miyerkules – PAGASA

Sa paggunita ng bansa sa Buwan ng Kababaihan ngayong Marso, nanawagan si Villar para sa pantay na oportunidad para sa kababaihan at itinulak ang mga benepisyong gaya ng parental leave sa trabaho.

Binigyang-diin din ni Villar ang pangangailangang mapabuti ang access sa serbisyong pangkalusugan, partikular sa reproductive at maternal health, pati na rin sa mental health awareness.

Ayon sa kanya, batid niya ang hirap ng kababaihang umangat sa organisasyong dati ay pinamumunuan ng kalalakihan.

Dahil dito, mariing sinusuportahan ni Villar ang mga programang nagtuturo ng financial literacy at pagsasanay upang bigyan ng kakayahan ang kababaihan na magkaroon ng sariling kabuhayan para sa kanilang pamilya.

“Bilib na bilib po ako sa kakayahan ng isang babae at naniniwala akong kailangan ng kalalakihan ang kababaihan. Wala pong hindi kayang gawin ang isang babae. Sa kabila ng dami ng ating gawain, nakakahanap pa rin tayo ng oras para magsaya at magsama-sama. Kulang ang isang araw para sa lahat ng ating ginagawa,” aniya, na sinalubong ng palakpakan mula sa mga dumalo.

Sa kanyang dalawang termino bilang mambabatas, aktibong nakipagtulungan si Villar sa mga grupong nagsusulong ng kapakanan ng kababaihan, kabilang ang Buntis Congress na nagbibigay-edukasyon sa mga ina tungkol sa maternal health, pagpapalaki ng anak, at kahalagahan ng pagpapasuso.

Kung palaring mahalal sa Senado, ipinangako ni Villar na ipagpapatuloy ang pagsusulong ng mga batas na nagpapalakas sa kababaihan. Kabilang sa mga pangunahing panukalang isinulong niya ang House Bill No. 10697 – Pregnant Women Welfare Act, na nagmumungkahi ng flexible work arrangements para sa mga buntis at bagong panganak na ina.

Ipinaglaban din niya ang pagpasa ng Equal Maternity Protection Act, na naglalayong bigyan ng maternity benefits ang mga babaeng manggagawa sa impormal na sektor. Dagdag pa rito, muling isusulong niya ang isang panukalang batas na magbabawal sa mga ospital, maternity clinic, o iba pang institusyong pangkalusugan na tumangging tumanggap o tumulong sa mga buntis na manganganak, isang panukalang una niyang isinampa sa Mababang Kapulungan.

Bilang tugon sa hamon sa maternal healthcare, isinusulong din ni Villar ang pamamahagi ng maternity kits sa mga buntis na kababaihang may mababang kita upang mapabuti ang kanilang prenatal care at mabawasan ang child mortality rate sa bansa.

Bukod pa rito, nangako siyang muling ihahain ang kanyang House Bill No. 5243, na nagbibigay ng libreng medikal at ospital na benepisyo sa mga indigent na kababaihang nagdurusa sa mga sakit o pinsalang dulot ng karahasan laban sa kababaihan.

Noong 2023, inihain din ni Villar ang House Resolution No. 1025, na humihiling ng imbestigasyon sa tumataas na bilang ng mga namamatay na ina sa panganganak. Ang layunin ng pagsisiyasat ay makabuo ng batas na magpapalakas at magpapadali ng access sa serbisyong pangkalusugan upang tugunan ang mga problemang may kinalaman sa panganganak at pangangalaga sa ina.

Sa kanyang track record ng pagsuporta sa kapakanan ng kababaihan at kanilang pag-unlad, nananatiling matatag si Villar sa kanyang misyon na matiyak ang mas maraming oportunidad, mas mahusay na serbisyong pangkalusugan, at mas magandang kalidad ng buhay para sa bawat Pilipinang babae.