Kung madalas kang nag-i-scroll sa social media kamakailan, baka napansin mong nagsulputan ang mga lalaking nagpo-post ng kanilang litrato suot ang simpleng puting sando.
Maging ang mga celebrity gaya nina Zaijan Jaranilla, Vhong Navarro, at iba pa, kumasa na rin sa craze ng pagsusuot ng puting sando, na nagpapakita sa maskuladong pangangatawan.
Wala namang masama kung makita ang sarili sa isang katawang hindi ma-achieve-achieve, pero dahil sa isang application, kuhang-kuha ang fitspiration!
Dahil iyan sa "Beauty Cam" AI Photo Editor app.
Ang trend na ito ay nagsimula sa paggamit ng Beauty Cam, isang app na nagpapaganda ng facial features, nagpapakinis ng balat, at nagpapatingkad sa mga larawan. Maraming gumagamit, partikular na ang mga lalaki, ang nagsimulang gumamit ng app na ito upang kumuha ng casual ngunit kapansin-pansing mga portrait—madalas na suot ang white sando—upang ipakita ang malinis, presko, at "boy next door" na dating.
Hindi tulad ng ibang filters na lubhang binabago ang itsura, ang Beauty Cam ay nakatuon sa pagpino ng natural na features, kaya mas lumalabas ang likas na kagandahan ng isang tao.
Paano gamitin ito?
1. I-download ang app sa Appstore o Google Play Store. Huwag mag-alala dahil free lamang ang karamihan sa mga feature na magagamit dito. Kulay pink na imahe ng camera ito.
2. Kapag na-download na, buksan ang app at i-click ang AI Wardrobe.
3. Pumili ng larawan mong gustong i-edit, at mamili lamang sa mga kategorya. Mababasa rito ang mga kategoryang "Popular," "New," "Hottie," "Dress," "Fashion," "Daily," "Him," "Ethnic," "Business," at "Child."
4. Para mahanap ang "white sando," magtungo lamang sa "Him" at swipe left lang hanggang sa matagpuan na ito.
5. Kapag tapos na mag-edit, i-click lamang ang "Save" at kusa na itong mapupunta sa gallery ng iyong cellphone.
6. Malaya ka pang i-explore ang app kung gusto mo pang i-edit ang mga larawan mo sa iba pang features nito. Bukod sa white sando, marami pang option o pamimiliang looks na puwede ma-achieve mula rito.
Tulad ng karamihan sa mga nauusong gimik sa social media, maaaring lumipas din ang "white sando" photo trend. Pero sa ngayon, patuloy itong namamayagpag at nagiging paboritong "hobby" ng maraming lalaki online.