Nagluluksa at nananawagan ngayon ng hustisya ang isang babae sa Agoo, La Union matapos magkakasabay na namatay ang kaniyang limang aso nang lasunin umano ng kanilang kapitbahay.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng dog owner na si Kate Bulacan ang isang video kung saan makikita ang namatay niyang mga aso na tila bumubula ang bibig habang katabi ng mga ito ang isang lalagyan ng pagkain.
“Nananawagan po ako sa mga asosasyong ipinaglalaban ang karapatan ng mga animal. Please lang po para mabigyan ng hustisya,” panawagan ni Bulacan sa kaniyang post.
Sa ulat ng ABS-CBN News, ibinahagi ni Bulacan na natagpuan niyang wala nang buhay ang kaniyang mga aso sa likod ng kanilang bahay noong Sabado, Pebrero 28.
Naniniwala si Bulacan na may halo raw lason ang naturang pagkain na natagpuan sa tabi ng mga aso at ang isa umano nilang kapitbahay ang nasa likod nito.
Kuwento ng dog owner, sinabihan siya ng naturang kapitbahay na pinapatay ng kaniyang mga aso ang mga manok nito.
Giit naman ni Bulacan, open area ang kanilang lugar kaya’t maaari raw na ibang aso ang pumapatay sa mga manok. Ngunit kung mapatunayan man daw na ang kaniyang mga aso nga ang nang-aatake ng mga manok, hindi pa rin daw ang panlalason ang sagot para rito.