“Shout out sa mga kabataan diyan, ‘Ma, anong ulam?’”
Nagbigay ng paglilinaw ang viral food vendor na si Neneng B—o si Geraldine Olmos sa totoo niyang ngalan—hinggil sa pamoso niyang linya na “Ma, anong ulam?”
Tila ipinapahiwatig daw kasi ng linyang ito—na binanggit niya sa nag-viral niyang video—na karamihan sa kabataan ay naghihintay na lang ng kakainin mula sa magulang sa halip na tumulong din.
Kaya sa latest episode ng “Toni Talks” noong Linggo, Marso 2, sinabi ni Neneng B na hind naman daw niya pinapalabas na magtrabaho agad ang mga gaya niyang kabataan para tulungan ang mga magulang sa mga gastusin sa araw-araw.
“‘Yong pinakamasakit pong [komento] ‘yong tungkol po [sa magulang ko]. ‘Pinababayaan ka naman ng magulang mo kaya ka ganyan, e. Kabata-bata mo nagtatrabaho ka. Dapat magulang mo nagtitinda niyan, hindi ikaw,’” saad ni Neneng B.
“Ang iniisip po kasi nila ro’n, Ma’am, pinababayaan po ako ng nanay ko po,” pagpapatuloy niya. “Isa rin naman po ako sa mga kabataan na gustong umasenso sa buhay. Isa rin po akong kabataan na nangangarap.”
Dagdag pa niya, “Hindi ko naman sinasabing lahat tayong mga kabataan magtrabaho agad. Ang [sinasabi] ko lang po, ‘yong tumulong lang po. Kasi may iba pong kabataan na sobrang hirap na po, hindi pa po tumutulong sa mga gawaing-bahay.”
Ayon kay Neneg B, sumakabilang-bahay umano ang tatay niya kaya silang dalawang magkapatid ay mag-isang itinataguyod ng kanilang nanay.
Sa kasalukuyan ay pinagsasabay ni Neneng B ang pag-aaral at pagtitinda. Samantala, ang kuya naman niya ay nasa kolehiyo na.