Isang 14 taong gulang na dalagita ang natagpuang patay at hinihinalang ginahasa umano ng kaniyang stepfather sa Pinabo City, Davao del Norte.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Panabo City Information Office nitong Linggo, Marso 2, 2025, noong Pebrero 28 daw nang mawala ang biktima kung kaya’t noong Marso 1 nang mapilitang magpunta sa pulisya ang ama ng biktima upang i-report ang pagkawala ng anak.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang stepfather daw ng dalagita ang huli niyang kasama bago siya tuluyang mawala. Sa tulong umano ng ilang saksi ay natunton ng pulisya ang sinasabing lupa ng suspek kung saan nakita ang tila hukay na bagong tabon.
Dito na nagpasiya ang mga awtoridad na hukayin ang nasabing hukay kung saan tumambad sa kanila ang wala nang buhay na katawan ng biktima.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek na umamin din umano sa ginawa niyang krimen.