March 01, 2025

Home BALITA

Kolehiyo ng Agham sa UST, pinusuan dahil sa pagpapagamit ng wikang Filipino sa pagtuturo

Kolehiyo ng Agham sa UST, pinusuan dahil sa pagpapagamit ng wikang Filipino sa pagtuturo
Photo courtesy: University of Santo Tomas (FB)

Aprub sa mga netizen ang kautusang inilabas ng Kolehiyo ng Agham sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) sa Maynila (UST) dahil sa kanilang inisyatibang magamit ang pambansang wika ng Pilipinas, ang wikang Filipino, bilang midyum ng pagtuturo sa general at technical courses.

Sa inilabas na memorandum ng Kolehiyo ng Agham na may petsang Pebrero 24, nakasaad na lahat ng academic staff ay hinihikayat na gumamit ng wikang Filipino sa pagtuturo nila, at maaari ding isulat sa wikang Filipino ang kanilang course plans at learning materials.

Para naman sa iba't ibang linguistic backgrounds ng mga mag-aaral, pinapayagan umano ang code-switching o paglilipat-koda mula sa Filipino tungong English o vice versa. Mahalagang malaman daw muna kung nakauunawa ba ang lahat ng mga mag-aaral ng Filipino bago subukin ang ganitong approach, lalo na sa mga klaseng may "international student."

Hinihikayat din ang academic staff na magsagawa ng seminars, symposia, at mga diskusyon na nagha-highlight o gumagamit ng wikang Filipino.

Tinatayang nasa 46,000 PDL, naudlot maagang paglaya dahil sa binagong GCTA

Hinihikayat din ang lahat na gamitin ang wikang Filipino sa pakikipagtalastasan kaugnay sa Agham para sa publiko, gayundin ang paglilimbag ng mga babasahing nasa wikang pambansa.

Photo courtesy: UST-College of Science (FB)

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"Mabuhay ang Kolehiyo ng Agham sa laging pagiging kampeon ng intelektuwalisasyon ng wikang Filipino, sa loob man o labas ng UST!"

"An husay talaga ng UST sa ganito. Kudos po sa unibersidad sa patuloy na pagsusulong ng intelektwalisasyon ng Filipino."

"Hindi lang ito tungkol sa pagsasalita ng Filipino, kundi sa pagpapalakas ng ating kultura at identidad. Sa paggamit ng Filipino, mas nagiging accessible ang siyensya sa mas maraming Pilipino. Mas madaling maintindihan, mas malapit sa puso, at mas may lalim ang pagkatuto. Ang hakbang na ito ay patunay na kayang sumabay ng ating wika sa mundo ng agham. Isang patunay na ang karunungan ay hindi nasusukat sa kung anong wika ang gamit, kundi sa kung paano ito naipapamahagi sa mas nakararami. Nakakaproud maging bahagi ng isang institusyong kumikilala sa halaga ng ating wika. Isang hakbang palapit sa isang mas inklusibo, mas makabuluhan, at mas makabayang edukasyon."

Samantala, nagpasalamat naman ang Kagawaran ng Filipino ng UST sa Kolehiyo ng Agham, sa pamamagitan ng kanilang Facebook page.

"Isang pagpupugay sa UST Kolehiyo ng Agham sa pagpapalakas ng paggamit ng Filipino sa pagtuturo ng General Education at mga Teknikal na kurso, paggawa ng mga planong pangkurso at iba pang kagamitang panturo, sa pagsasagawa ng mga seminar at kumperensiya, sa publikasyon, at sa iba pang pagkakataon. Patunay ito ng patuloy na pagsisikap ng Kolehiyo ng Agham sa mga nasimulang inisyatiba mula noon pang dekada '90," anila.

"Isang napakalaking tulong ang ganitong hakbang tungo sa patuloy na intelektuwalisasyon ng wikang Filipino at pagpapalaganap ng agham para sa lahat."

"Nawa’y pamarisan din ng iba pang kolehiyo sa loob at maging sa labas ng unibersidad ang ganitong uri ng pagpapahalaga. Walang dudang #GalingScience! #tomasinomakafilipino," dagdag pa.

Matatandaang kamakailan lamang ay umani naman ng batikos sa mga netizen ang "English-Only Policy" ng University of Cabuyao sa Laguna.

MAKI-BALITA: 'English Only Policy' ng isang unibersidad sa Laguna, inulan ng reaksiyon

MAKI-BALITA: 'English-Only Policy' announcement ng pamantasan sa Laguna, inedit ng journalist