Ngayong papalapit na ang Valentine’s Day, tiyak na may iba’t ibang pakulo nang pinaghahandaan ang mga couple para masulit nila ang isa’t isa. Mamamasyal sa parke, museum, mall. O kaya naman, manonood ng sine pagkatapos kumain sa isang fine dining restaurant.
Ano’t anoman, saan man sila dalhin ng kanilang pag-ibig; anoman ang gawin nila, mahalagang pagkatapos ng nakakapagod na araw ay may matutuluyan silang mapagpapahingahan.
Kaya narito ang ilang motel na maaaring ikonsiderang puntahan ng mga couple sa darating na Pebrero 14 sa abot-kayang halaga.
Matatagpuan sa kahabaan ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA), Pasay City, ang Flor & Al Mansion. Kung titingnan sa mapa, malapit lang ito sa MRT-Taft Station. Sa halagang ₱330 hanggang ₱884, pwede nang maka-avail ng double size bed na room type sa loob ng 6 hanggang 24 oras. Pero paalala lang, wala silang online booking.
Kung panandaliang matutuluyan lang naman ang hanap dahil napasarap ang pasyal at gala, pwedeng pagtiyagaan ang Trav Hotel na matatagpuan sa Marcos Highway sa Malabon. Mapipirmihan ang kwarto sa loob ng tatlong oras sa halagang ₱200. Bukod diyan, kailangang banggitin na bagama’t may sariling banyo sa loob ng kwarto, wala itong inidoro. Pero may common CR naman sa labas.
Nagkakanlong ang My Inn sa Imperial, Cubao, Quezon City. Katapat ng Araneta Gateway Mall. Sa halagang ₱505 ay makakapagpahinga na ang mag-couple sa loob ng anim na oras nang matiwasay dahil sa malinis at disenteng hitsura ng kwarto nito. Pero bukod diyan, makikita rin dito ang tinatawag na “magic window.”
Kung inabutan ka ng dilim sa bahaging norte ng Metro Manila kasama ang jowa mo, pwedeng subukan ang Rosas Travellers Inn sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA), Quezon City. Malapit sa Muñoz Waltermart. Sulitin ang pananatili roon sa halagang ₱350 kada tatlong oras.
Makikita ang Carport Inn sa kahabaan ng Rizal Avenue sa Santa Cruz, Maynila. Kung LRT1 ang gagawing mode of transportation papunta sa nasabing motel, bumaba sa Doroteo Jose station at lumakad nang kaunti. Naglalaro mula ₱290 hanggang ₱1500 ang kanilang room rate. At kung lampas na sa takdang oras, pero gusto pang makasama nang matagal ang minamahal sa nirentahang kwarto, magdagdag lang ng ₱100.
Kung natuluyan mo na ang Carport Inn at gusto mong sumubok nang bago na hindi nalalayo ang pwesto mula roon, pwedeng patulan ang Vista Hotel na matatagpuan naman sa Recto. Pero kailangang ihanda ang bulsa dahil medyo may kamahalan itong huli kaysa sa Carport. Pumapalo sa ₱420 ang room rate sa Vista kada tatlong oras.
Huwag ma-intimidate sa Luxury Lodge dahil bagama’t may “luxury” ang pangalan nito ay abot-kaya pa rin naman ang room rates nila. Sa halagang ₱480 ay maaari n’yo na itong matuluyan ng jowa mo sa loob ng siyam na oras. Baybayin lang ulit ang kahabaan ng Rizal Avenue sa Santa Cruz, Maynila.
Masyado pa rin bang mabigat sa bulsa mo ang mga nabanggit na motel? Hindi pa rin ba kaya? Naghihigpit ng sinturon?
Huwag mag-alala. Pwedeng ikonsidera ang Clover Inn na nasa Bagong Barrio West, Caloocan City kung walang-wala na talaga at gusto lang makaraos sa darating na Valentine’s Day kasama ang jowa. Para sa tatlong oras na check-in, maghanda ng ₱175.
Ngunit bago pumunta sa nasabing motel, kailangan ihanda ang sarili at ang jowa. Babaan ang expectation. Dahil pagpasok sa kwartong tutuluyan, bubungad ang napakaraming vandals sa pader, kumukupas na pintura sa dingding, walang ilaw na banyo, at iba pa na maaaring hindi maganda sa ‘yong paningin.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Mga abot-kayang pasyalan ngayong Valentine's Day