Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Martes, Pebrero 11, bunsod ng tatlong weather systems na northeast monsoon o amihan, shear line, at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms ang Visayas, Bicol Region, MIMAROPA, Quezon, at Aurora dahil sa shear line o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin.
Malaki rin ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Caraga at Davao Region dulot ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.
Maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan naman ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, mga natitirang bahagi ng Central Luzon at CALABARZON.
Posible ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa o landslide sa mga nasabing lugar kung magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan din magdudulot ang malamig na hanging amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng Mindanao bunsod pa rin ng easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).