Patay ang isang lalaki nang barilin ng kaniyang kapitbahay matapos umanong mag-away ang kanilang mga alagang manok at pato.
Ayon sa ulat ng Super Radyo DZBB 594, nangyari ang krimen matapos mag-inuman ang suspek at ang biktima.
Batay sa imbestigasyon nag-ugat ang pagtatalo ng dalawa nang sugurin umano ng alagang pato ng biktima ang mga alagang manok ng suspek.
Nauwi umano sa mainit na pagtatalo ang diskusyon ng dalawa hinggil sa pag-aaway ng kanilang mga alaga. Agad umanong umalis ang suspek at saka bumalik dala ang kaniyang baril.
Dalawang tama ng bala sa dibdib ang tinamo ng biktima na naisugod pa umano sa ospital ngunit binawian din ng buhay.
Samantala, nadakip naman ng pulisya ang suspek sa follow up operation na nahaharap sa kaukulang reklamo.