February 02, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Bagong modus sa pagpatay? Lalaki sapilitang pinakain ng 'droga o lason'

Bagong modus sa pagpatay? Lalaki sapilitang pinakain ng 'droga o lason'
Photo courtesy: Lourdes Belchez Climaco (FB)

"MAG-IINGAT PO TAYO LAGI..."

Viral ang Facebook post ng isang misis na netizen patungkol sa karanasan ng mister niya habang naglalakad pauwi sa isang lansangan sa Maynila.

"Sa lahat po ng nagtatanong kung Ano po tlga nangyare sa Asawa ko na si Justin Isaac Rosa , Paalala ko lng din po sa mga naglalakad pauwi galing Robinson, Ermita o sa ibang lugar ng Maynila at Lalong lalo na sa mga Nka Duty ng Closing. Wag na wag po kayo maglalakad sa gabi o 12am sa labas lalo na sa Hindi mataong lugar at sa madidilim na lugar. Matuto po tayo maghintay ng masasakyan kung kinakailangan pauwi sa mga bahay," mababasa sa kaniyang Facebook post noong Sabado, Pebrero 1.

Salaysay ng misis, dakong 11:30 ng gabi ay naghihintay raw ang mister niya para makasakay sa jeep galing sa duty nito sa pinagtatrabahuhang mall sa Ermita, Maynila.

Human-Interest

Listahan ng Kasalang Bayan sa Metro Manila ngayong Pebrero 2025!

Dahil punuan pa rin ang mga jeep, naisip daw ng mister na si "Justin" na maglakad na lamang pauwi. Binagtas ni Justine ang isang kalsadang medyo madilim sa may bahagi ng Taft Avenue. Dito ay hinarang daw ng tatlong lalaki ang mister at tinutukan ng patalim.

Ngunit sa halip na pagnakawan, iba raw ang pakay ng mga ito.

"Bigla nlng po may humarang sa kanya sa daan na tatlong Lalaki at tinutukan na po sya ng patalim sa likod nya , At tinakot na Hindi na makakauwing buhay sa pamilya nya kung ndi nya Kakainin ung binibigay nila na ndi nya matukoy kung droga o lason," bahagi ng post ni Lourdes.

"Dhil my patalim sa likod nya at tatlong lalaki ito, pinilit nlng nya ipasok sa bibig nya at hinintay sya na nguyain ito bago sya pakawalan ng mga ito. Ang ginawa ng asawa ko pilit nyang mag panggap na my nginunguya, pero nalasahan nya na po at my konti na po sya nalunok na lasa.. Nung ndi na po sya sinundan ng mga lalaki, dinura nya po ung lason o droga na un. At nagmadali na makauwi ng bahay."

Sa pagpapatuloy pa, "Pag dating sa bahay ng 11:55pm maayos pa po sya, nkpag cr pa po sya at nakapag palit pa ng pambahay na damit.. Mga 12am sakto po dun nya na po naramdaman ung effect ng pinakain sknya, ndi na po sya makahinga ng maayos at sobrang lamig na ng katawan nya."

"Sinabihan ko po sya na bumaba na po kmi sa kwarto ng magulang ko at humingi na ng tulong . Pagbaba ko po sa sala, kumuha sya ice water na may yelo pa at dali dali nyang binutas at pinanligo sa buong katawan nya, nka 2 o tatlo po sya .. Nataranta na po kmi lahat dto sa bahay. At dali dali ko po pinunasan sya at pinalitan damit nyang basa. Hirap na hirap na daw po sya makahinga at sobrang init daw po ng pakiramdam nya, pero khit ganun pag hinawakan nmin sya sobrang lamig na ng buong katawan nya . Nawalan na po sya ng malay sa sala at naninigas na po buong katawan nya. Pinagtulungan ng pamilya ko buhatin sya pababa ng bahay at dumiretso sakay na po kmi sa trycicle papuntang PGH emergency room."

Dagdag pa ni Lourdes, habang nasa PGH na raw ay nagsimula nang magsabi ng pamamaalam sa kaniya ang mister dahil sa hindi na makayanan ang nangyayari sa kaniyang katawan dulot ng "droga o lason" na sapilitang ipinakain sa kaniya. Nakaranas daw ng pangingisay si Justin kaya itinali na siya sa hospital bed nang tinitingnan na ng mga doktor at nurse. Makalipas ang ilang oras ay kumalma na rin ang asawa.

"After ilang oras, ayun po kumalma na po katawan nya at nkpag pahinga, tumalab na ung gamot ni binigay sknya.. Sabi ng mga doctor buti daw at itinakbo nmin agad sya sa hospital kung ndi daw matutuluyan daw asawa ko.. Grabe daw ung pinakain sknya at ndi rin nila matukoy kung anong klaseng droga o lason ang pinakain sa asawa ko. Buti daw at malakas resistensiya ng asawa ko kaya kinayang labanan ung lason o droga na un.."

Kaya payo ni Lourdes sa lahat, "Sana hanggat maaari sumakay nlng po tayong lahat pauwi. Grabe na mga tao ngayon, mahirap na kung babae pa ang ma tsempohan ng mga un o bata man o matanda.. Matuto tayong mag ingat sa lahat ng oras. Hindi ko akalain na mangyayare samin toh. Napakatino at bait ng Asawa ko. Wala ng pinipili mga tao sa mga panahon ngayon makapatay ng tao. Sana nman paliwanagan ang Daanan sa ibang parte ng Maynila. Delikado na po maglakad lakad mag isa..

Salamat po sa lahat ng nag pray, tumulong samin ng Asawa ko. sa pamilya ko at pamilya ng asawa ko salamat. Salamat sa Diyos dhil naagapan agad ng mga doctor at nurse sa PGH ang Asawa ko.. "

"Mag iingat po tayo lagi at wag na lalabas ng bahay kung ndi nman kinakailangan. Lalong lalo na wag makakalimot sa itaas pray lagi kay Lord ," dagdag pa niya.

Nagpahabol pa si Lourdes sa comment section ng post na nai-report na raw nila sa pulisya ang nangyari, at sinusuri pa ang CCTV sa area para matukoy kung sino-sino ang sinasabing tatlong lalaking gumawa nito kay Justin.

Batay naman sa latest updates ni Justin sa kaniyang post ay nasa maayos naman siyang kalagayan.

"Salamat Po Lord Palagi sa Pag gabay tsaka sa Pangalawang Buhay WALANG HANGGANG PASASALAMAT LORD ," mababasa sa Facebook post ni Justin.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 28k shares, 9.5k reactions, at 2.8k comments ang nabanggit na post. Dinadagsa naman ng komento at tanong ang post mula sa mga netizen na nais malaman kung ano nga ba ang ipinakain kay Justin kaya nagkaganoon ito.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang mga awtoridad sa Maynila patungkol dito. Bukas ang Balita sa kanilang panig.