Pinagalitan daw ni Sen. Raffy Tulfo ang anak na si Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo hinggil sa ginawa nitong pagdaan sa EDSA busway noong Enero 23.
Aniya sa isang ambush interview, "Pinagalitan ko at nag-sorry siya sa akin. Ang sabi ko, 'Mag-apologize ka sa lahat.' And that’s it."
Paliwanag pa ng senador, "Ang pagkakaalam ko nagmamadali siya, 'yong driver niya yata ang pumasok doon sa bus stop. At pinagalitan ko siya, pinagsabihan ko."
"Inadmit naman niya. Hindi naman siya nagsinungaling at nag-apologize siya. So wala akong nakikitang problema doon as long as hindi siya tumakas, hindi siya gumamit ng plakang otso, which karapatan niyang gumamit. Pero hindi siya gumamit. It just shows na hindi siya abusado," dagdag pa ng senador.
Samantala, naglabas na rin ng public apology si QC Rep. Tulfo dahil dito.
"Lubos po akong humihingi ng paumanhin sa publiko, lalo na sa mga naapektuhan at naabala ng insidente kamakailan kaugnay sa pagdaan ng aking sasakyan sa EDSA bus lane," mababasa sa post ng representative.
"Nabayaran na po ang mga kaukulang multa at sasailalim sa kinakailangang seminar upang higit na maunawaan at maipaalala ang umiiral na batas trapiko."
"Nangangako po akong gagawin ko ang lahat ng hakbang upang maiwasan ang ganitong uri ng pagkakamali sa hinaharap," aniya pa.
MAKI-BALITA: QC Rep. Ralph Tulfo, nag-sorry sa pagdaan sa EDSA bus lane