“As a teacher, ang trabaho talaga natin hindi naguumpisa at natatapos sa klase, madalas higit pa don!”
Tila marami ang nahabag sa Threads post ng isang netizen na nagngangalang “angaramyoren” noong Linggo, Enero 26.
Tampok dito ang larawan ng isang lengthwise na papel na hawak ng nagpakilalang guro, kung saan mababasa ang nakasulat na “Ma’am myo ren pede po ba ako umutang ng sampung piso nagugutom na po kasi ako.”
Ayon sa uploader nito, isa raw siyang Grade 7 TLE teacher sa isang public school. May isa raw siyang estudyante sa kaniyang advisory class na nagbigay ng liham sa kaniya para mangutang ng ₱10 para pambili ng pagkain. Aniya, hindi raw ito ang unang beses na nanghingi ang nasabing estudyante.
"I am a Junior high school TLE Teacher, public school, my students are all in Grade 7. I also have advisory class, one advisee gave me this letter while I was taking my break at recess time na rin ng mga bata. This is not the first time that this student asked for 10.00, minsan to buy snack or pamasahe at everytime binabayaran nya ako pero hindi ko tinatanggap,” kuwento niya sa post.
Sa halip na bigyan ng ₱10, binigyan niya raw ang estudyante ng ₱100, upang makabili raw ito ng rice meal at paniguradong mabusog.
“This time, I gave him 100.00, told him to buy rice meal para siguradong busog siya,” mababasa pa sa post niya.
Ngunit pagbalik daw ng kaniyang estudyante, ibinalik sa kaniya ang sukling ₱90 dahil biscuit lang daw talaga ang binili nito. Aniya, madalas daw absent ang estudyante dahil wala raw itong pambaon.
“Pagbalik nya, inabot sakin ang 90.00 at biscuit lang talaga ang binili nya. Madalas absent ang batang ito dahil wala daw siyang pambaon, gagawan pa raw ng paraan ng mama niya. Sabi ko pumasok siya bibigyan ko siya ng biscuit at tubig,” pagbabahagi niya.
Tinapos naman ng guro ang kaniyang Threads post sa pagbibigay-mensahe na hindi raw natatapos ang pagiging guro sa pag-uumpisa at pagtatapos ng klase, madalas daw ay higit pa raw doon.
“As a teacher, ang trabaho talaga natin hindi naguumpisa at natatapos sa klase, madalas higit pa don,” dagdag pa niya.
Umani ng samu’t saring reaksiyon mula sa mga netizen ang nasabing post. Narito ang ilan sa kanilang mga komento:
“May God bless you more Teacher I always pray na sana gaya mo ang maging guro ng anak ko para kampante ako kahit wala siya sa bahay. Minsan po kasi mahirap din makahanap ng guro na may malasakit at pang-unawa sa kalagayan ng bata. Ang anak ko naman po ay PWD at ang tanging dasal ko sana yun mga mameet na guro o professor or kahit na sa mga ibang taong makakasalamuha ng anak ko ay may malawak na pang-unawa sa kalagayan niya.”
“God bless you more, Ma'am. You are a kind soul.”
“hiii, can i sponsor po his everyday needs for school? how can we speak privately po? thank you!”
“Hello ma’am. Pwede po kaya ako mag sponsor ng baon niya? How do I contact you po privately?”
“maam let the kid learn on how to work for the money. para that way hindi sya lumaking may pananagutan and scar on this child's heart. wag nyo na po hayaan mangutang kasi baka mauwi sa life long burden to the kid. just ask him/her a deed that s/he can kahit napaka simple lang that way she will have the value towards herself. and hats off to you maam for supporting this kid.”
“Hello po. Please check my dm on instagram. I would like to contribute po sana.”
Sa kasalukuyan, umabot na sa 14.5k reacts, 1.2k comments at 397 shares ang nasabing Threads post, habang isinusulat ang artikulong ito.
Mariah Ang