January 30, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

'Binondo food treats' dinayo at pinilahan ngayong Chinese New Year

'Binondo food treats' dinayo at pinilahan ngayong Chinese New Year
Photo courtesy: Kate Garcia/Balita

Tila may pa-second wave sa Media Noche ang ilang Pinoy sa pakikiisa sa pagdiriwang ng Chinese New Year nitong Miyerkules, Enero 29, 2025. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa ilang nakisaya sa Chinese New Year sa tinaguriang pinakamatandang Chinatown sa buong mundo, marami ang hindi pinalampas na matikman ang ‘ika nga nila’y blockbuster na “Binondo food treats,” sa nasabing lugar. 

Dong Bei Dumpling 

Isa ang Dong Bei Dumpling sa kilalang dinarayong sikat na tindahan ng authentic dumplings at xiao long bao sa Binondo. Katunayan, ang grupo ng magbabarkadang sina “Ali” na mula pa sa Laguna ay isa mga matiyagang pumila dito.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga pagkaing pampasuwerte ngayong Chinese New Year

“Ito po kasi yung trending sa TikTok, tsaka mura din po. Nandito na rin naman po kami, kaya dito po muna an first stop namin,” anang magkakaibigan.

Naglalaro sa ₱200 per 14 pieces ang isang order ng dumplings. Habang ang presyo naman ng xiao long bao ay ₱200 per 6 pieces.

Fried Siopao

Ilang lakad mula sa Dong Bei Dumpling ay mararating na rin ang sikat na fried siopao na hindi ka titipirin sa lasa at laman. 

Bunsod ng mahabang pila, may ilan na dumidiskarte na lang daw para makarami sa kani-kanilang food trip. Katulad ng pamilya Morales na tila nag-by group sa pagpila sa mga tindahan na kanilang kakainan. 

“Kami po ng bunso ko dito sa fried siopao, tapos yung panganay ko po yung nasa kabila po, sa dumplings po. Yung mister ko po pinapila ko na rin sa Mr. Ube, doon na lang po kami sa may Sta. Cruz magkikita,” ani Lanie Morales na mula pa raw sila sa Fairview.

Eng Bee Tin

Hindi rin puwedeng mawala sa bucketlist ng ilang Pinoy na pilahan ang main branch ng sikat na Eng Bee Tin para sa kanilang ube treats mula hopia, mga tinapay at inumin. Bagama’t may ilang branches na raw ang sikat na tindahan, para sa “Junille” at mga kaibigan niya, iba raw pakiramdam kung uuwi silang may Eng Bee Tin mula sa main branch nito.

“Ang ganda rin po kasi nung place nila tapos may mga flavors din po sila na dito lang po namin nakita compare po doon sa iba nilang branch,” saad ni Junille. 

Mr. Ube 

Deadma rin sa mahabang pila ang ilang customers ng Mr. Ube na piniling dito na magtanghalian. Hindi raw kasi kumpleto ang Binondo kung hindi makakapag dine-in dito. Ang mag-jowang rider na sina Renz at Leslie, bumiyahe pa raw mula Batangas at dito sinulit ang kanilang holiday.

“Sulit po kasi talaga dito. Tamang-tama, holiday, walang pasok,” ani Renz. 

Dagdag naman ni Leslie, “Hindi rin po kasi lugi kahit long drive, kahit kaya naman itong kainin sa ibang lugar, iba pa rin kapag dito tapos Chinese New Year.”

Ang maramihang servings naman daw ng Mr. Ube ang habol ng pamilya Mojica kaya pinili na lang din daw nila makipila rito.

“Yung isang order po, kasya po sa dalawa o tatlo, nakakatipid na rin po kami,” saad ni Liza Mojica. 

Ilan lamang ang mga ito sa mga binabalik-balikang “go to food trips,” sa Binondo, may okasyon man o wala. Ikaw, anong favorite mo?

Inirerekomendang balita