Kuwento ng centenarian na si Lola Lolita Hermon mula sa Brgy. Pinanag-an, Borongan, Eastern Samar na mayroon siyang 10 anak at umiinom siya ng tuba noon.
Sa impormasyon mula sa National Musuem of the Philippines, ang tuba ay isang lokal na alak na gawa mula sa binurong katas o dagta ng bulaklak ng niyog. Maaari din daw iproseso pa ito upang makagawa naman ng lambanog.
Sa Facebook post ng Eastern Samar Provincial Information Office nitong Lunes, Enero 27, binisita ni Board Member RV Evardone si Lola Lolita upang ihatid ang P50,000 cash incentives nito mula sa provincial government ng Eastern Samar.
Ang ibinigay na P50,000 cash incentives ay bukod pa sa centenarian gift mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagkakahalaga ng P100,000.
Sa pagbisita ni Evardone, itinanong niya kay Lola Lolita ang sikreto sa kaniyang mahabang buhay.
"Lola ano ang sikreto mo sa mahabang buhay?" tanong niya.
"Secret lang," nangising sagot ni Lola Lolita.
Sa pagpapatuloy ng kaniyang kwento, naibahagi ni Lola Lolita na may 10 siyang anak at umiinom siya ng tuba noon.
Sa paglilinaw ni Evardone kung ang pag-inom ng tuba at ang sampung anak ang kaniyang naging sekreto sa mahabang buhay, kinumpirma naman ito ni Lola Lolita, na ikinatawa naman nilang dalawa.