January 30, 2025

Home FEATURES

KILALANIN: Mga nagwagi sa Gawad Julian Cruz Balmaseda 2025 ng KWF

KILALANIN: Mga nagwagi sa Gawad Julian Cruz Balmaseda 2025 ng KWF
Photo Courtesy: Ralph Mendoza/BALITA

Pinarangalan ngayong taon sina Mariyel Hiyas C. Liwanag, PhD at Kristine Mae M. Nares ng Gawad Julian Balmaseda, isang pagkilalang ibinibigay ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa natatanging papel-pananaliksik.

Sa ginanap na awarding-ceremony sa Bulwagang Romualdez, KWF, nitong Martes, Enero 28, tinanggap ni Liwanag ang premyong ₱100,000 para sa kaniyang binuong disertasyon na pinamagatang “Isabuhay: Isang Larong Disenyo para sa Diskurso ng mga Wikang Katutubo.” 

Ayon sa KWF, tinalakay sa disertasyon ang sariling konsepto ng value engineered na idinugtong ni Liwanag sa pandaigdigang konsepto ng mga karapatang pantao sa wika o linguistic human rights.

Kasalukuyan nagsisilbi bilang Assistant Professor sa University of Los Baños si Liwanag. Natapos niya noong 2024 ang programang Doctor of Philosophy in Philippine Studies sa De La Salle University - Manila.

Mga Pagdiriwang

'Binondo food treats' dinayo at pinilahan ngayong Chinese New Year

Photo Courtesy: Ralph Mendoza/BALITA

Samantala, tumanggap din si Nares ng ₱100,000 matapos kilalanin ang kaniyang tesis masterado na pinamagatang “Pagmamapa ng Kalinangang Bayan ng Munisipalidad ng Guinobatan, Albay” bilang pinakamahusay sa lahat ng lahok.

Nakasentro ang tesis ni Nares sa pagkolekta, pagsalin, at pagpapakahulugan sa kalinangang bayan ng Guinotaban, Albay upang makabuo ng aklat na magsisilbing kagamitang panturo.

Kasalukuyang nagtuturo si Nares sa high school. Natapos niya ang Master ng Sining sa Pagtuturo ng Filipino sa Bicol University.

Photo Courtesy: Ralph Mendoza/BALITA

Sa isinagawang press conference, itinanong ng Balita kina Liwanag at Nares ang kasunod nilang plano matapos parangalan ng komisyon ang kanilang mga pananaliksik.

“Ang layunin ko naman po talaga no’ng idinesenyo ko ang laro ay maging open access po siya sa mga guro. Kasi idinisenyo ko po itong larong ito bilang isang alternatibong materyal panturo na ang layunin ay ihatid ‘yong usaping pangwika sa isang anyong malapit sa mga mag-aaral,” saad ni Liwanag.

Sa kasalukuyan, hinihintay na lang umano ni Liwanag na lumabas ang copywriting ng kaniyang disertasyon at pagkatapos niyon ay maghahanap na siya ng institusyong magha-house upang libre itong ma-access ng mga guro.

Ayon naman kay Nares, “Maipalimbag ‘yong aklat nang sa gayon ay maibalik sa kada barangay.”

Ang board of judges ngayong taon ay binubuo nina Dr. Teresita Fortunato (De La Salle University), Dr. Joel Malabanan (Philippine Normal University), at Imelda P. De Castro (University of Santo Tomas).