Sa pagdating ng Chinese New Year, hindi lamang kasiyahan at kasaganaan ang inaasahang dumaloy sa bawat tahanan, kundi pati na rin ang mga masasarap at makahulugang pagkain na sumasalamin sa swerte, kalusugan, at tagumpay.
Sa kultura ng mga Tsino, ang bawat putahe ay may dalang simbolismo—mula sa hugis, kulay, hanggang sa paraan ng paghahanda nito.
Ngayong Year of the Snake, isang nilalang na sumisimbolo sa talino, liksi, at diskarte sa buhay, narito ang labindalawang masuwerteng pagkaing maaaring ihanda upang maakit ang magandang kapalaran sa bagong taon.
1. Isda – Kasaganaan at kaluwagan sa buhay
Ang isda o yú ay kahawig ng tunog ng salitang nangangahulugang "sobra" o "surplus." Ang pagkain ng isda sa bagong taon ay sumisimbolo ng kasaganahan at patuloy na biyaya sa buong taon.
2. Dumplings – Kayamanan at kasaganaan
Ang dumplings (jiǎozi) ay hugis-gold ingot, isang sinaunang hugis ng pera sa China. Pinaniniwalaang mas maraming dumplings ang kainin sa bagong taon, mas maraming kayamanang darating. Karaniwan itong niluluto sa pamamagitan ng pagpapakulo, pagprito, o pagpasingaw.
3. Manok – Pagkakaisa at suwerte
Ang buong manok ay sumisimbolo ng buo at maayos na pamilya. Sa wikang Tsino, ang "manok" ay kahawig ng tunog ng salitang jí, na nangangahulugang suwerte at kasaganaan. Kadalasan itong inihahain nang buo upang ipakita ang kagustuhang manatiling buo at matibay ang ugnayan ng pamilya.
4. Tikoy – Patuloy na pag-angat
Ang tikoy (niángāo) ay isang malagkit at matamis na rice cake na sumasagisag sa patuloy na pag-angat sa buhay—maaaring sa negosyo, trabaho, o pag-aaral. Ang lagkit nito ay nangangahulugan din ng mas matibay na samahan sa pamilya at mga kaibigan.
5. Lumpia – Kayamanan at kasaganaan
Ang ginintuang kulay ng lumpia ay inihahalintulad sa gold bars, kaya naman ito ay itinuturing na simbolo ng kayamanan. Bukod sa masarap, ito rin ay sumasalamin sa kasaganaan na nais maipon sa darating na taon.
6. Tangyuan – Pagkakaisa at pagmamahalan
Ang tangyuan o sweet rice balls ay madalas na kinakain sa Lantern Festival, subalit sa ilang bahagi ng China, ito ay inihahain na rin tuwing Chinese New Year. Ang bilog nitong hugis ay kumakatawan sa pagkakaisa at kasunduang pampamilya.
7. Pancit – Maikling Paghihirap, Mahabang Buhay
Hindi kumpleto ang anumang selebrasyon nang walang pancit o longevity noodles. Sinasabing ang pagkain ng mahabang pancit ay magdadala ng mahabang buhay at kalusugan. Kaya’t siguraduhin na hindi ito putul-putol upang maiwasan ang malas!
8. Lion’s Head Meatballs – Katatagan ng pamilya
Ang malalaking bola-bolang karne na tinatawag na Lion’s Head Meatballs ay simbolo ng katatagan at pagkakaisa ng pamilya. Ang hugis nitong bilog ay naglalarawan ng kasaganaan at kapayapaan sa tahanan.
9. Steamed Pork Belly with Taro – Kayamanan at kasaganaan
Sa maraming bahagi ng China, ang baboy ay simbolo ng kasaganaan at kayamanan. Ang steamed pork belly na may taro ay inihahanda upang ipahayag ang kagustuhang magkaroon ng mas maunlad na taon.
10. Hipon – Kaligayahan at kasiglahan
Sa wikang Cantonese, ang tunog ng hipon (ha) ay kahawig ng tunog ng halakhak. Kaya naman ang pagkain nito ay sumisimbolo sa kasayahan at masayang disposisyon sa buhay.
11. Gulay – Pag-unlad at kalusugan
Ang iba’t ibang uri ng gulay ay hindi lamang sumisimbolo sa kalusugan kundi pati na rin sa kasaganaan. Ang pechay ay sumisimbolo ng kaswertehan, habang ang gailan o Chinese broccoli ay nagpapahayag ng pagkakaisa.
12. Prutas – Kalusugan at kayamanan
Ang mga bilog na prutas tulad ng dalandan, ponkan, at suha ay popular na kinakain sa Chinese New Year. Ang hugis nitong bilog ay sumisimbolo ng kasaganaan at walang katapusang suwerte.
Ang paghahanda ng mga masusuwerteng pagkain sa pagsalubong sa bagong taon ay hindi lamang tradisyon kundi isang paraan din ng pag-akit ng positibong enerhiya at magandang kapalaran.
Kaya’t ihanda na ang masasarap na putahe, magsama-sama ang pamilya, at ipagdiwang ang isang masaganang Chinese New Year—-Year of the Wood Snake ngayong 2025!
Mariah Ang