Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 14 pagyanig sa Bulkang Kanlaon sa Negros Island sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa Phivolcs, kabilang sa 14 volcanic earthquakes ang dalawang mahihinang volcanic tremor na tumagal ng 50 minuto hanggang dalawang oras at limang minuto.
Nito ring Sabado, Enero 11, nang magbuga ang Kanlaon ng 3,511 tonelada ng sulfur dioxide flux (SO2).
Samantala, inihayag din ng Phivolcs ang pagbuga ng namamagang bulkan ng plume na may taas na 100 metro, na napapadpad sa timog-kanlurang bahagi nito.
Walang patid ang pagsingaw ng bulkan na nakataas pa rin sa alert level 3, dagdag ng ahensya.
Dahil dito, ipinayo ng Phivolcs ang paglikas ng mga nakapaloob sa anim na kilometrong (6 km) radius mula sa tuktok ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa tuktok ng Kanlaon.
Matatandaang nito lamang Sabado nang magbabala ang Phivolcs na posibleng muling pagputok ng Bulkang Kanlaon matapos maiulat ang pagtaas ng ground deformation nito.
MAKI-BALITA: Babala ng Phivolcs: Bulkang Kanlaon, posibleng muling pumutok
Noong Disyembre 9, 2024 nang pumutok ang Kanlaon, dahilan kaya’t itaas ito ng Phivolcs sa alert level 3.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!