January 17, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Mula Nazareno patungong Sto. Niño: Ang debosyon ng mga Pilipino sa batang Jesus

Mula Nazareno patungong Sto. <b>Niño: Ang debosyon ng mga Pilipino sa batang Jesus</b>
Photo courtesy: Manila Bulletin/Facebook

Matapos masaksihan ng buong bansa ang milyong debotong nakiisa sa kapistahan ng Jesus Nazareno, isang pagdiriwang muli ng pananampalatayang Pilipino ang nakatakdang sumunod.

Sa darating na Enero 19 ang kapistahan ng Sto. Niño sa Cebu, o mas kilala bilang Sinulog Festival. Isa ito sa mga pinakamalalaking pagdriwang sa bansa na taon-taong pinaghahandaan at dinarayo hindi lamang ng mga deboto ngunit maging ng mga turista. 

Mula nga sa pakikiisa ng katolikong Pilipino sa mahigit 400 taon ng kapistahan ng Jesus Nazareno, muli naman itong masusundan ng pagdiriwang ng mahigit 500 taong selebrasyon ng Sto. Niño.

Pinaniniwalaang ang Sto. Niño o ang imahe ng batang Jesus ang siyang pinakamatandang “Catholic icon” sa bansa mula pa noong 15th century. Nakalagak ang nasabing imahen sa Basilica Minore del Sto. Niño de Cebu

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Pinagkaiba ng Ati-atihan, Dinagyang at Sinulog Festivals

Katulad nang pagtangan ng milyong deboto ng Jesus Nazareno sa kanilang paniniwala, ilang Pilipinong mananampalataya ang kani-kanilang kuwento umano ng himala mula raw sa Sto.Niño katulad ng kagalingan at kaligtasan. Ilang bersyon na rin ng kuwento sa Cebu ang nagpasalin-salin, kaugnay naman nang kung paano raw pinoprotektahan ng Sto. Niño ang naturang lalawigan mula umano sa mga mananakop. 

Ayon sa ulat ng isang regional news outlet, tinatayang pumalo raw ng tatlong milyon ang nakiisa sa Sinulog festival noong 2024. Makulay at maingay ang taunang inaabangan sa Sinulog Festival na binubuo ng magkakaibang selebrasyon kagaya ng mga patimpalak at higit lalo na ang Sinulog Grand Parade.

Katunayan ngayong Sinulog Festival 2025, ilang araw bago ang mismong pagsapit ng kapistahan ng Sto. Niño, opisyal na ring nagsimula nitong Enero 9 ang mga aktibidad na may kaugnayan sa nasabing pagdiriwang. 

Ngayong taon, nakaangkla ang tema ng Sinulog sa “Sinulog: One Beat, One Dance, One Vision,’ na siyang konektado raw sa mga tradisyunal na tema ng Sinulog noong mga nakaraang taon.

Magkakaiba man ng pamamaraan ng debosyon at pananampalataya, ang panata ng mga Pilipino ang tila repleksyon na siyang pagkakabuklod-buklod ng mga ito.