Isang 14-anyos na dalagita sa Rodriguez, Rizal ang ginahasa umano ng kaniyang stepfather at 19-anyos na kapatid.
Base sa ulat ng Balitanghali ng GMA Integrated News, nangyari umano ang paulit-ulit na panggagahasa sa menor de edad noong nakaraang taon sa Taguig City.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, hepe ng Rodriguez, Rizal Police, na ang amain ng biktima ang unang naaresto ng mga awtoridad.
Dagdag ni Sabulao, ang kapatid ng biktima pa raw ang nagreklamo sa pulisya hinggil sa nangyaring panggagahasa umano ng kanilang amain, kaya’t nagulat daw ito dahil kasama rin pala siya sa kinasuhan.
Natunton umano ng pulisya ang 19-anyos na akusado at nahuli malapit sa kaniyang bahay isang araw lamang matapos ilabas ang warrant of arrest dahil na rin sa tulong ng social media.
Paglalahad ng hepe ng Rodriguez Police, ginamit nila ang Facebook upang hanapin ang xsuspek at ang tinitirhan nito hanggang sa mag-match naman daw ang address sa kanilang e-warrant.
Samantala, mariing itinanggi ng akusado na ginahasa niya ang kaniyang kapatid, at iginiit na nasa trabaho umano siya nang mangyari ang krimen. Wala umano siyang masamang hangad sa kapatid niya, at idiniin lamang daw siya sa nangyari.
Sa kasalukuyan ay walang inirerekomendang piyansa ukol sa kinahaharap na kasong “rape” ng akusado.