Patay ang isang dalaga nang pagtatagain umano ng kaniyang ama-amahan habang sugatan naman ang kanyang nobyo nang tangkain nitong umawat sa Taytay, Rizal nitong Bagong Taon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Mitch Analea Bartolome, 19, Grade 11 student at residente ng Phase 10, Greenwoods, Brgy. San Juan, Taytay, Rizal habang sugatan naman ang kanyang nobyong si Jake Montañez, na nilalapatan na ng lunas sa pagamutan.
Nakatakas naman at tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek na si alyas ‘Jiemboy,’ 44, caretaker/maintenance, na kinakasama ng ina ni Bartolome.
Batay sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-4:00 ng madaling araw o ilang oras lamang matapos ang pagsalubong sa Taong 2025, nang maganap ang krimen sa Ejercito Avenue, sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal, malapit sa Tapayan Bridge.
Lumilitaw na katatapos lamang umano ng magkasintahan na ipagdiwang ang Bagong Taon sa naturang barangay nang sa 'di pa batid na kadahilanan ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng kaniyang anak-anakan.
Dito na umano kumuha ng isang itak ang suspek at pinagtataga ang dalaga.
Tinangka naman umanong awatin ni Montañez ang suspek ngunit siya naman ang pinagbalingan at pinagtataga rin ng suspek, bago mabilis na tumakas.
Kaagad na isinugod ang makasintahan sa Rizal Provincial Hospital System ngunit dead on arrival na si Bartolome.