Ibinahagi sa kauna-unahang pagkakataon ng gurong si Karla Bagtas ang dahilan kung bakit siya napunta sa mundo ng content creation.
Sa latest episode ng “Toni Talks” kamakailan, sinabi ni Teacher Karla na sinimulan niya raw ang pagbuo ng mga content dahil sa kaniyang mister.
“Ang asawa ko po talaga ang naging daan kung bakit ako nasa content creating ngayon. [...] Gusto ko mapanood niya ako,” lahad ni Karla.
“Noong time po na ‘yon—-around June last year, 2023—na-diagnose po siya ng depression. Hindi namin siya nakakausap. Ang daming pumapasok sa isip niya na hindi namin malaman kung bakit niya naiisip ‘yon; nararamdaman niya. Ang gusto niya, maghanap na ako ng iba. Wala raw akong mapapala sa kaniya,” wika niya.
Pag-amin ni Karla, bagama’t hindi raw niya magawang iwan ang kaniyang asawa dahil sa sinumpaan nilang pangako sa harap ng altar, kinukuwestiyon daw niya ang nangyayari sa kaniyang buhay.
Aniya, “Ba’t kaya nangyayari sa amin ‘to? Bakit kaya ganito? Mabait naman ako. Wala naman akong natatapakang tao. Pero bakit sa amin pa? Bakit sa kaniya pa?”
“Ang hirap pala ng gano’n, ma’am, na ‘yong kasama mo depressed. Kasi ikaw na nakakita nade-depress ka rin, e. Tapos, ma’am, hindi ko siya matulungan. Hindi ko alam ano itutulong ko sa kaniya kasi siya mismo nage-stay away siya sa amin,” dugtong pa ni Karla.
Kaya naman napagtanto raw ni Karla na hindi pala talaga biro ang mental health. Pero sa kabila ng nangyari, nanatili pa rin daw siya sa piling ng asawa hanggang sa mapabuti ang kalagayan nito.
“Bale nasa kanila po siya,” pagbabahagi niya, “umuwi siya sa kanila. Tapos from time to time pinupuntahan ko po siya pero hindi po talaga niya kami kinakausap. Nag-vlog na po ako para, sabi ko, kahit mag-swipe lang siya sa Facebook, baka makita niya ako.”
Tila tama naman ang hula ni Karla dahil pagdating daw ng November ay bumalik sa poder niya ang kaniyang mister matapos mapanood ang video ng kanilang anak.
“Doon siya naano, ma’am, na ‘uy, may iniwan ako. Mayroong naghihintay sa akin,’” sabi pa niya.