Dalawang araw bago ang Bagong Taon, tinatayang 96 katao na ang naiulat na nasawi matapos mag-crash ang eroplano sa South Korea na may sakay na 181 indibidwal.
Base sa mga ulat, mula Thailand ay lumipad pabalik ng South Korea ang Jeju Air Boeing 737-800 series aircraft, na may sakay na 175 pasahero at anim na crew members, nang sumadsad ito sa Muan International Airport sa South Jeolla Province at bumangga sa pader nitong Linggo ng umaga, Disyembre 29.
“Malfunctioning landing gear” ang pinaniniwalaang naging sanhi ng aksidente, ayon sa fire department ng Muan.
Isang babae at isang lalaki, na parehong crew members, naman ang nailigtas mula sa buntot na bahagi ng nasusunog na eroplano. Ayon sa hepe ng Muan fire department, naapula ang apoy dakong 1:00 ng hapon.
Nagpapatuloy naman daw ang pag-rescue ng mga awtoridad sa mga pasaherong lulan ng eroplano.
Samantala, habang sinusulat ito’y wala pang kumpirmasyon kung may Pilipinong naging biktima sa aksidente.
Ito ay isang developing story.