December 28, 2024

Home FEATURES Human-Interest

#BALITAnaw: Mga nauso at pinag-usapang trends ngayong 2024

#BALITAnaw: Mga nauso at pinag-usapang trends ngayong 2024
Photo courtesy: File Photo (MB), SPIT (FB), Ruffa Gutierrez (IG), ABS-CBN Entertainment (website), GMA Network (FB), BINI_ph (FB), Jenela in Japan (FB), Alex Gonzaga (TikTok) via State of the Nation (GMA Integrated News), Gabriela Women's Party/FB; Vice Ganda/FB screengrab, Screenshot from Vice Ganda (FB), Tere Puno (FB), Carlos Yulo (FB), Kyle Echarri (IG), Darren Espanto (IG) and Shawn Mendes (IG)

Habang papalapit ang pagtatapos ng taon, sariwa pa rin sa alaala ng marami ang trends na naging bahagi ng taong 2024. Mula sa nakaaaliw na dance craze hanggang sa mga viral na hamon at iconic na pop culture moments, balikan ang mga bumida sa mga social media feeds at timelines ngayong taon!

1. Labubu Craze: Ang sikat na ‘Mini Monster’

Hindi na bago sa mga tao ang collectibles, ngunit kakaibang cuteness daw ang hatid ng Labubu. Mula sa simpleng monster art toys, naging status symbol ito sa mga collectors, at madalas na laman ng live selling at trade events. Ang cute ngunit misteryosong itsura ng Labubu ay hindi lang minahal ng collectors kundi pati na rin ng mga influencers at mga artista na nagpakita ng kani-kanilang creative shots nito.

Ang Labubu ay character sa series na The Monsters, kung saan hango ang mga ito sa Nordic fairy tales kagaya ng mga duwende, fairies at halimaw. May ilan na nagsasabing umuso raw ang mga pop toys nito matapos i-flex ni Blackpink member Lalisa ang kaniyang mga collections at accessories nito.

Human-Interest

ALAMIN: Ang 2025 sa ilalim ng Year of the Wooden Snake

MAKI-BALITA: LABUBudol? Mga artistang nahumaling sa 'Labubu craze!’

Ngunit naging usap-usapan din na ang Labubu dolls ay posibleng may hatid na kababalaghan dahil sa pagiging inspired-made nito sa Nordic Mythology demon gods ayon sa mga naglalabasang conspiracy theory na ang Labubu ay hindi dapat tangkilikin ng mga Kristiyano, dahil cute at adorable man daw ito sa paningin, subalit ito raw ay "devil's pet.”

MAKI-BALITA: Mga Kristiyano, binalaan; Labubu Dolls, likhang demonyo?

2. BINI Dance Craze: Nakapag-Pantropiko na ba ang lahat?

Nag-debut noong 2021, ang girl group na BINI ay produkto ng ABS-CBN training camp na binubuo ng walong miyembro na sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Sheena at Jhoanna.

Tila nagkaroon ng Last Song Syndrome o LSS ang marami dulot ng kantang “Pantropiko” ng namamayagpag ngayong P-pop girl group na BINI. Pumatok din sa madla ang kanilang mga orihinal na kantang tulad ng “Da Coconut Nut,” “Born To Win,” “Na Na Na,” “Pantropiko,” “Karera,” “Lagi,” “Salamin, Salamin,” “Huwag Muna Tayong Umuwi,” at “Cherry On Top.”

Anuman ang henerasyong kinabibilangan, sikat man o hindi ay tiyak na kumasa sa “Pantropiko” challenge sa buwan ng Abril hanggang Mayo 2024.

Tunay na ang bawat indak ng P-Pop girl group na BINI ngayong taon ay maimpluwensya sa lahat ng social media platforms na nagdudulot ng dagdag kasiyahan sa mga netizens. Mula sa simpleng choreo hanggang sa mga na-inspire na creative renditions, naging bahagi ng bawat okasyon ang pagsayaw nito—pati na sa corporate Christmas parties!

MAKI-BALITA: Sen. Imee, kumasa rin sa 'Pantropiko' dance craze

3. ‘Eh Ikaw?’ Challenge

Kung usapang interactive na trend ang pag-uusapan, nangibabaw ang ‘Eh Ikaw?’ challenge. Ito ay pinauso ng isang Asia's premier improv theater group na kung tawagin ay “SPIT Manila” May dalawang team at dalawang representative ang gagawa ng isang movement at paramihan sila ng masasabing movement ng katunggali na dapat ay hindi maulit, kung sino ang maunang maubusan ng nasasabing movement siya ang talo at next player naman. Maraming mga social media personalities, vloggers maging mga artista ang kumasa na rin sa nakaaaliw na challenge na ito. Nilalaro na rin ito sa Christmas parties.

4. Suspect Challenge

Sino bang makakalimot sa challenge na ito? Kung magpahanggang ngayon ay marami pa rin ang kumakasa para lumikha ng content kasama ng kanilang barkada?

Sa challenge na ito, nagpapanggap ang isang tao na tumatakbo bilang "suspect" habang kinukuhanan ng video ng isang "police broadcaster," na bumabato ng nakakatawang banat o "roast" tungkol sa runner.

Ang viral na trend ay naging paraan upang magbiruan ang mga magkakaibigan, mag-asawa, at magkakapatid. Nagsimula raw ang pagkauso ng challenge nito noong unang linggo ng Nobyembre 2024 sa ibang bansa.

MAKI-BALITA: Kinaaaliwang 'Suspect Challenge' sa socmed, paano nagsimula?

5. Sinigang na corned beef

Isa na yata sa mga pinakatanyag na ulam ng mga Pilipino ay ang sinigang. May sinigang na baboy, isda at hipon. Pero sinigang na corned beef, posible ba?

Nag-trending sa social media ang cravings ng isang buntis na social media personality na si “Jenela in Japan” noong huling linggo ng Nobyembre 2024. Aniya na nais niya raw kumain ng Sinigang na corned beef. Dahil walang nagbebenta na restaurant sa kanilang kalapit na tinutuluyan ang asawa na raw nitong si Kevin ang nagluto para sa kaniya.

Naging daan naman ito upang magbigay ng kamalayan sa iba na talagang mayroong nag-eexist na ulam na kung tawagin ay Sinigang na corned beef. Marami namang cooking vloggers ang naghain ng kanilang bersyon ng nasabing putahe at inupload sa kani-kanilang social media platforms.

MAKI-BALITA: Asim-kilig: Nakapag-sinigang na corned beef na ba ang lahat?

6. Crop top edition ng male personalities

Sino bang nagsabi na babae lamang ang maaaring mag-suot ng crop top dahil sila lang ang babagayan nito? Aba’y genderless naman ang crop top dahil kayang-kaya na makipagsabayan ng mga lalaki sa pagsuot nito nang hindi natatanggal pa rin ang kanilang coolness at swag.

Noong huling linggo ng Setyembre 2024, pinagpiyestahan ng netizens ang tila new fashion style ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo kung saan pak na pak siyang nag-pose habang nakasuot ng crop top.

Sa isang Instagram post kasi ni Caloy noon ipinasilip niya ang kaniyang “Outfit Of The Day (OOTD) habang nasa bakasyon sa Seoul, South Korea.

Kaya naman mula kay Olympic champion Carlos Yulo, kumasa na rin ang ilang male personalities na game na game na nagsuot ng crop top para sa kanilang personal at ilang media projects.

Bukod kay Carlos Yulo, naki-crop top challenge na rin sina Kyle Echarri, Albie Casiño, Darren Espanto, Joshua Garcia, David Licauco, Harry Styles, Shawn Mendes at Jaden Smith.

MAKI-BALITA: KILALANIN: Male personalities na 'slaying' sa pagsuot ng crop top

7. ASOKA Make-up challenge

Noong buwan ng Mayo 2024 kaliwa’t kanang makaririnig ka ng pagpapatugtog ng “San Sanana” kung saan ipinakikita ang mabilis na pagpapalit-palit ng make-up, outfitan, hanggang sa maging isang Indian bride sila.

Anomang kasarian ay game na game na sumabak sa challenge na ito at talagang naipakita ang creativity ng mga magagaling maglagay ng kolorete sa mukha at ang kanilang pagbabagong anyo bilang isang Indian bride.

MAKI-BALITA: Bago ka masuka: Make-up challenge trend 'Asoka,' paano ba nagsimula?

May nahuli pa nga sa pagpapasa ng kaniyang entry at ito ay walang iba kundi si Kapamilya Actress Andrea Brillantes.

MAKI-BALITA: Asoka ni Andrea Brillantes, inokray: 'Sobrang late na!’

8. Piliin mo ang Pilipinas Challenge

Muling sumikat ang awitin ng Queen of Teleserye Theme Songs na si Angeline Quinto na may pamagat na “Piliin Mo Ang Pilipinas” noong buwan ng Mayo dahil marami ang nagpasa ng kanilang entry sa pagbibihis ng iba’t ibang kasuotan na sumisimbolo bilang Pinoy kasabay.

Nakatanggap pa nga ng papuri mula sa women's group na Gabriela si Unkabogable Box-office Superstar Vice Ganda matapos niyang tapusin ang laban sa nauusong "Piliin Mo Ang Pilipinas" challenge dahil sa kabuluhan ng nilalaman nito.

MAKI-BALITA: ‘Piliin Mo Ang Pilipinas’ entry ni Vice Ganda, napapanahon at kapuri-puri – Gabriela

9. Maybe This Time Dance Craze

Ang "Maybe This Time" dance craze ay isang viral na sayaw na kumalat sa social media, partikular sa TikTok, noong 2024. Ang sayaw na ito ay sinimulan ni Ralp Xyrel Villaruz, isang Grade 10 na estudyante mula sa Zamboanga.

Dahil sa kasikatan ng kaniyang sayaw, naging panauhin si Ralp sa iba't ibang programa, kabilang ang "It's Showtime" noong Agosto 31, 2024.

Maraming netizens ang sumubok ng "Maybe This Time" dance challenge, na nagdulot ng mas malaking kasikatan sa trend na ito.

Kumasa na rin mismo ang kapatid ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na si Sen. Imee sa challenge na ito noong Setyembre.

MAKI-BALITA: PANOORIN: Sen. Imee umindak, 'di nagpahuli sa 'Maybe This Time' dance challenge

10. Ice Cream Yummy, Ice Cream Good Dance Craze

Ang "Ice Cream Yummy" o "Ice Cream Good" dance craze ay nag-umpisa sa TikTok at naging viral noong 2024. Ang sayaw na ito ay pinasikat ni Tatay Peng, isang lolo mula sa Pilipinas, na nagpakita ng kaniyang masiglang pagsayaw sa nasabing kanta.

Maraming netizens ang sumunod sa kaniyang mga galaw, na nagdulot ng mas malaking kasikatan sa trend na ito.

Kumasa na rin dito si Sen. Bato Dela Rosa kamakailan.

MAKI-BALITA: Sen. Bato dela Rosa, napa-'ice cream yummy, ice cream good!' sa Naic

11. Duck hair accessories

“May bibe na ba ang lahat?”

Pumatok naman sa fashion taste ng Pinoy ang “duck hair clip” noong Pebrero 2024.

Ang "duck hair clip" ay naging viral accessory na kinagiliwan ng mga Pilipino dahil sa nakakatawang itsura at cutness nito. Ang trend ay nagsimula sa China noong 2015, kung saan iba't ibang quirky hair clips tulad ng halaman at kabute ang unang sumikat.

Noong 2023 hanggang sa buwan ng Pebrero 2024, sumikat ang duck hair clip sa Baguio City bago ito kumalat sa buong Pilipinas. Bukod sa pagiging patok sa mga mahilig sa fashion, nakatulong din ito sa kabuhayan ng mga nagtitinda, lalo na sa Divisoria at Binondo, kung saan mabibili ito sa halagang ₱35 kada piraso, mas mura kung maramihan. Habang may mga uso na mabilis nawawala, nananatiling matatag ang kasikatan ng duck hair clip, na nagpapakita ng kakaibang estilo ng simpleng disenyo nito.

Nakiuso na rin nga ang DepEd sa paghahair clip dahil wala naman daw nakikitang masama sa pagsusuot nito.

MAKI-BALITA: Mga guro at estudyante, pwedeng magsuot ng duck hair clips--DepEd

Habang nagbabalik-tanaw sa mga hindi malilimutang alaala dulot ng mga pangyayari ngayong taon malinaw na ang social media at pop culture ay hindi lamang nakakaaliw kundi nagiging salamin din ng interes at pananaw ng bawat isa kasalukuyang panahon.

Ano kaya ang naghihintay sa lahat sa 2025? Abangan!

Mariah Ang