Patuloy pa rin ang pag-iral ng northeast monsoon o amihan at shear line sa malaking bahagi ng bansa ngayong Martes, Disyembre 24, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms ang Eastern Visayas, Bicol Region, CALABARZON, at MIMAROPA.
Inaasahan namang magdudulot ang ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Bulacan, at Nueva Ecija.
Inaasahan ding magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated light rains sa mga natitirang bahagi ng Luzon.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms.
Maliban sa bagyong Romina na wala nang direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa, wala nang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).