December 22, 2024

Home BALITA National

Bagyo sa labas ng PAR, pinangalanan nang ‘Romina’; Signal #1, itinaas sa Kalayaan Islands

Bagyo sa labas ng PAR, pinangalanan nang ‘Romina’; Signal #1, itinaas sa Kalayaan Islands
(Courtesy: PAGASA/FB)

Bagama’t hindi pa tuluyang nakapapasok sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR), pinangalanan na ang bagyo sa timog na bahagi ng Palawan sa local name nitong “Romina” matapos magtaas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng Signal No. 1 sa Kalayaan Islands.

Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, huling namataan ang Tropical Depression Romina 365 kilometro ang layo sa timog na bahagi ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan sa labas ng PAR.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyo pa-north northeast sa bilis na 30 kilometers per hour.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Base sa forecast track ng PAGASA, maaaring dumaan ang bagyong Romina malapit sa katimugang bahagi ng Kalayaan Islands area sa susunod na 24 na oras. Hindi isinasantabi ang posibilidad na pumasok ito sa loob ng PAR sa maikling panahon.

Maaaring itaas ang bagyo sa kategorya ng “tropical storm” sa susunod na 12 oras bago ito muling ibaba sa “tropical depression” category.

Ang bagyong Romina ang ika-18 bagyo ngayong 2024.