Tila nagkaroon daw ng lamat ang relasyon ng magkaibigang sina Annabelle Rama at Jinkee Pacquiao ayon sa batikang showbiz columnist Cristy Fermin.
Sa latest episode ng “Cristy Ferminute” nitong Huwebes, Disyembre 19, inispluk niya ang ilang detalyeng nasagap niya umano tungkol sa dalawa.
“Di ba mag-best friend sina Tita Annabelle Rama at saka si Jinkee Pacquiao, mag-bff sila. Pero bakit nasusulat sa mga pahayagan, magkaaway na raw sila ngayon?” saad ni Cristy.
Dagdag pa niya, “Di ko pa alam kung anong detalye tungkol dito. Pero may mga nagkuwento nga sa akin na totoo raw ito.“
Dahil dito, hindi tuloy naiwasang ungkatin ng showbiz columnist ang naitulong umano ng pamilya Gutierrez sa kadidatura ng misis ni Jinkee na si dating senador Manny Pacquiao noong 2022 presidential elections.
Aniya, “Alalahanin mo na no’ng tumakbo bilang pangulo si ‘Pambansang Kamao’ Manny Pacquiao ang pamilya Gutierrez ang tumutok sa kampanya nila, ‘di ba. [...] Lahat sila, sila ang tumulong kay Pacman. Tapos ngayon, ganito na?”
Pero sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na anomang pahayag o reaksiyon sina Annabelle at Jinkee hinggil sa naturang tsika. Bukas ang Balita sa kanilang panig.