Hindi raw inasahan nina Kapamilya actress Kathryn Bernardo at Kapuso actor Alden Richards ang reaksiyon ni First Lady Liza Marcos, matapos ang VIP screening ng Hello, Love, Again na nitong Sabado, Disyembre 13, 2024.
Sa panayam ng media kina Alden at Kathryn na siyang bumida sa nasabing pelikula, sinabi nilang sobrang natuwa raw ang First Lady matapos mapanood ang HLA.
"Parang narealize ni First Lady na yung home niya is yung husband niya. And at the same time parang biglang hinanap niya si President," saad ni Alden.
Dinaluhan ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ang nasabing VIP screening ng ngayo’y highest grossing film, na ayon sa ABS-CBN News ay tumabo sa takilya ng ₱1.4 bilyon. Kabilang sa mga nasabing mga opisyal ay sina Senate President Chiz Escudero, Sen. Grace Poe, Sen. Pia at Allan Cayetano, gayundin sina Taguig City Mayor Lani Cayetano.
KAUGNAY NA BALITA: FL Liza Marcos, ilang senador dumalo sa VIP screening ng 'Hello, Love, Again'
Samantala, isinaad din ni Alden na ang naging reaksiyon daw ng First Lady mula sa kanilang pelikula ay isang patunay na ang kuwento raw nito ay sumasalamin para sa lahat.
"Yun talaga eh, kasi somehow, one way or another, the film resonates to a lot of people in different ways,” saad ni Alden.
Isang karangalan namang itinuturing ni Kathryn ang pagdalo raw nina First Lady sa kanilang VIP screening lalo na’t sumakto raw ito na unang buwan, mula nang ipalabas ito sa lahat ng sinehan sa bansa noong Nobyembre 13.
"We're just really really honored. You know, they all made time for this and what a way to end this and saktong one month din since we opened in cinemas, that was one month ago sakto so we didn't expect that the First Lady will make time for the film and her reaction after the movie is priceless,” ani Kathryn.