December 14, 2024

Home BALITA National

Amihan, shear line, easterlies, patuloy na nakaaapekto sa PH

Amihan, shear line, easterlies, patuloy na nakaaapekto sa PH
Courtesy: PAGASA/website

Patuloy pa rin ang epekto ng northeast monsoon o amihan, shear line at easterlies sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Disyembre 14.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagtatagpo ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Quezon at Bicol Region.

Inaasahan namang magdudulot ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Aurora.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga lugar dito dahil sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.

National

Magnitude 4.1 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Bukod dito, inaasahan ding magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region, at mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region at Central Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms din naman ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar dito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang namamataan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).