Maraming nagiging malaya sa tuwing sumasapit ang kapaskuhan. Para sa mga bata, malaya silang tumanggap ng mga regalo at lumibot sa mga pasyalan. Para sa mga estudyante, malaya sila mula sa mga asignatura at pagsusulit. Para sa mga nagtatrabaho, pansamantala silang nakakalaya mula sa opisina at isipin sa mga bayarin.
Malaya man ang diwa ng Kapaskuhan, ngunit may iilang nanatiling malamig ang Pasko. Nasa apat na sulok ng isang kuwadradong silid, sa likod ng mga selda, naghihintay na baka sa pagkakataong ito, ay may makaalaala.
Sa isang female dormitory sa Batangas, kakaiba ang naging tugon nila upang maihatid ang Pasko sa mga Person’s Deprive of Liberty (PDL).
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa Tanauan City Jail Female Dormitory, ibinahagi ni JO1 Maria Angelica Marasigan, kasama ang dalawang inmate na sina “Maries” at “Marivic,” ang kanilang “Christmas Wishlist Program.”
“Kami pong mga personnel ay taon-taon itong pinaghahandaan para matupad ang munting kahilingan ng ating mga PDL pati na rin maiparamdam sa kanila ang simoy ng Pasko sa kabila ng kanilang pinagdadaanan sa buhay,” ani Marasigan.
Sa tuwing sasapit kasi ang kapaskuhan, nagkakaroon ng pagkakataon na isulat ng mga PDLs ang kanilang munting kahilingan sa isang papel, at isinasabit nila ito sa kanilang Christmas tree sa Tanauan BJMP.
“Kaming mga personnel po mismo ay bubunot ng munting kahilingan sa aming mga PDL. Kung ang wishlist po ay sobra sa mga personnel o sa bilang ng mga personnel, kami rin po ay nagawa ng paraan, na lumapit sa mga kaibigan, kakilala at pamilya na bukas ang puso na magbigay o magbahagi ng kanilang blessings,” saad ni Marasigan.
Halos apat na taon na rin daw itong ginagawa ng Tanauan City Jail Female Dormitory, kung saan hindi lang daw ito limitado sa mga personnel.
“Ang ginagawa po namin is, bubunit po kaming mga personnel, then 'pag may sumobra, doon po kami hahanap ng mga sponsor, katulad po ng kaibigan po namin, pamilya po namin na willing po magbigay,” anang jail officer.
Ayon naman kina Maries at Marivic, ang ganitong programa sa kanilang dormitory ay nakatutulong daw upang maibsan nila ang kalungkutan tuwing Pasko dulot ng pagiging malayo sa kanilang mga pamilya.
“Masaya po. Sa tuwing darating po ang panahon ng Pasko, dahil po sa Tanauan City Jail Female Dormitory Christmas Wishlist nararamdaman po namin yung presence ng Pasko kahit po nandirito kami malayo po sa pamilya,” ani Marivic.
Saad naman ni Maries: “Masaya po dahil sa ganitong programa mas nararamdaman namin ang himig ng Pasko.”
Karaniwang Christmas wishlist
Hindi raw pinapayagan ng Tanauan City Jail Female Dormitory ang anumang monetary gifts at monetary wishes sa kanilang programa. Ayon kay JO1 Marasigan, karaniwang hiling daw ng kanilang PDLs ay pawang mga hygiene kit at mga pagkain.
“Wala pong money involved, more on goods po. Yung kailangan po talaga nila dito sa loob,” giit ni Marasigan.
Nabanggit din niya na may ibang inmates din daw na mas pinipiling humiling upang may maibigay sa kanilang pamilya kapag sila ay dinalaw na.
“Minsan po may PDL na ang hinihingi niya po talaga is kunwari po sapatos ng anak niya, school supplies ng anak niya, para po sa pamilya niya. Mayroon din po na once na nagbigay ng grocery dito at binigay na po namin diyaan sa PDL ay automatically po kapag dinalaw po sila ay kanila na pong ipapadala sa kanilang pamilya,” saad ni Marasigan.
Nilinaw rin ni JO1 Marasigan na hangga’t maaari ay tanging mga nasa sachet lang daw ang maaaring ipasok sa kanilang dormitory mula sa mga gustong mag-donate o magregalo.
“Willing naman po kaming tumanggap ng tulong o bigay mula sa inyo para sa ating mga PDL, lalo na po kung ito ay in goods. Like for example po ay: Personal hygiene kit, gatas, kape, tinapay, mga ganoon po, na talaga naman pong pangunahing pangangailangan nila dito sa loob,” ani Marasigan.
Ang tanging hiling ng mga PDL
Sa kabila ng mga munting kahilingan ng mga PDLs ngayong Pasko, katulad nina Maries at Marivic, wala na yatang mas hihigit pa sa pinakaaasam nilang hiling, may okasyon man o wala–ang makauwi sa pamilya at mabawasan ang sentensya.
“Kung ako po ay mabibigyan ng mas malaki pang pagkakataon ngayong Pasko, ay gusto ko pong makauwi nang mas maaga at makapiling po ang aking pamilya,” saad ni Maries.
Mas maikling sentensya naman ang hiling ni Marivic: “Kung mabibigyan po ako ng pagkakataon na makahiling ng mas malaking wish ngayong darating na Pasko ay mabawasan po yung sentensya ng pangungulong po.”
Gaganapin sa darating na Disyembre 23 ang Christmas party ng naturang dormitoryo, doon na rin daw ipamamahagi ang mga nasa wishlist ng bawat PDLs.
Sa mga nais pang humabol at magpaabot ng donasyon, maaaring makipag-ugnayan sa opisyal na Facebook account ng Tanauan City Jail Female Dormitory.