December 09, 2024

Home BALITA

Pag-file ng impeachment laban kay VP Sara, ihahabol bago mag-2025?

Pag-file ng impeachment laban kay VP Sara, ihahabol bago mag-2025?
Photo courtesy: Inday Sara Duterte/Facebook

Inihayag ni ACT Teachers party-list Representative France Castro na maaari daw magsimulang umusad ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte sa Disyembre 2024. 

Sa panayam ng Teleradyo kay Castro noong Nobyembre 29, nilinaw niya ang mga kasong maaari umanong maging basehan ng impeachment case laban kay VP Sara.

“Una yung betrayal ng public trust, tapos iyong bribery tsaka yung high crime,” ani Castro.

Nang tanungin ng media kung susubukan umanong maihabol ang pagsusumite ng impeachment case laban sa Bise Presidente, mariing pagsang-ayon ang naging tugon ng mambabatas. 

National

Paalala ng PWS para sa flu season: 'Do not kiss babies that aren't yours!'

"Kaya ma'am before the year ends? Ihahabol ba natin before the year ends? Mai-file lang muna wala pang endorsement or desisyon ng plenaryo. MaI-file muna, hahabulin ba natin before the year ends?" tanong ng media

"Yes, I think kaya naman 'yan,” saad ni Castro.

Paglilinaw pa ng mambabatas, may gumagawa na raw ng naturang impeachment, ngunit nangangailangan pa raw ito ng maraming lagda mula sa iba’t ibang indibidwal. 

“Meron ng gumagawa. Bayan [ang gumagawa]. Kung matatapos namin, maraming signatories hindi lang sa Bayan. [Multi-sectoral]. I think kaya naman [before the year ends],” anang mambabatas. 

Tinitimbang umano nila ang bilang ng mga magsasampa pa ng reklamo kay VP Sara mula sa House of Representatives at Senado. 

“Natatantya naman namin na meron dito sa House of Representatives. Kino-consider din natin ang number sa ngayon para siyempre maipanalo, mai-push natin itong impeachment. Tinitingnan din natin yung bilang sa Senado kung sino yung pwedeng pumayag sa impeachment,” giit ni Castro.

Umugong ang usapin ng impeachment kay VP Sara matapos ang magkakasunod niyang mga pahayag laban sa administrasyong Marcos Jr. at liderato ng Kamara, maging ang pagbabanta niya sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez. 

KAUGNAY NA BALITA: Pahayag ni VP Sara, ‘active threat’ sa buhay ni PBBM — Malacañang

Nananatili pa ring nakabinbin sa Kamara ang isyu ng umano’y kuwestyonableng paggamit ng pondo ng Office of the Vice President (OVP) at confidential funds ng Department of Education (DepEd) na noo’y nasa ilalim ng pamumuno ni VP Sara bilang kalihim ng nasabing ahensya. 

KAUGNAY NA BALITA: OVP, gumastos umano ng ₱16M sa loob ng 11 araw noong 2022

Samantala, nauna namang linawin ni PBBM na hindi siya sang-ayon sa Kamara na isagawa ang impeachment sa Bise Presidente dahil pawang pag-aaksaya lang daw ito ng oras. 

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara