December 09, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Dating tindero ng isda sa Quiapo, sikat na filmmaker na sa Dubai!

Dating tindero ng isda sa Quiapo, sikat na filmmaker na sa Dubai!
Photo courtesy: GMA News Online (Website)

Mula sa pagtitinda ng isda sa Quiapo tuwing Sabado at Linggo, pinatunayan ng 22-taong gulang na binata na kayang abutin ang pangarap basta’t may tiyaga at dedikasyon.

Si Vincent Escobido, 22, ay isa na ngayong kilalang indie filmmaker sa Dubai. Kilala bilang “Vincent Augus”, siya ang pinakabatang filmmaker sa lugar, na may nagawa nang mahigit 300 pelikula

Sa ulat ng GMA Integrated News, ikinuwento ni Escobido ang kaniyang humble beginnings bago maabot ang rurok ng kasikatan sa ibang bansa.

Bago siya naging filmmaker, limang taon siyang tumulong sa lola niyang si Adelaida Escobido, o “Lola Deling,” sa pagtitinda ng isda. Mula sa Navotas Fish Port, sumasakay raw sila ng tatlong jeep upang makarating sa Quiapo.

Human-Interest

Kagaya ng toys: Mga kulay, genderless din giit ng mommy-vlogger

“Madaling araw po kami umaalis para makapamili ng isda. Tapos, derecho na sa Quiapo para magtinda,” ani Escobido.

Pero aniya, hindi raw "araw-araw ay Pasko," o hindi sa lahat ng pagkakataon ay maganda ang kita sa pagbebenta ng isda.

May pagkakataon pang kinukumpiska ang kanilang paninda at timba sa isinasagawang cleanup drive ng lokal na pamahalaan.

“May mga araw po na nagtago ako ng isda sa damit para may maipakain lang sa pamilya kahit walang benta,” aniya pa.

Noong 2019, isinama raw siya ng kaniyang mga magulang, parehong OFW, sa Dubai para magbakasyon. Pero nang dahil sa pandemya, hindi na sila nakabalik pa sa Pilipinas.

Habang nagtatrabaho bilang kitchen assistant at sales staff, pinalad daw si Escobido na makilala si Elvin Mark Santos, pinuno ng indie film production house na TBON Dubai. Dito na nagsimula ang pag-usbong ng kaniyang karera bilang filmmaker.

Pagbubunyag ni Escobido na bata pa lamang ay likas na raw sa kaniya ang hilig sa pag-arte. Mahilig siyang sumali sa theater plays sa eskuwelahan.

“Talagang pangarap ko pong mag-artista,” pagbabahagi niya.

Ngunit hindi naging madali ang lahat. Paulit-ulit daw siyang sumubok sa mga auditions ngunit ni minsan ay hindi natanggap.

Ang maituturing lamang niyang karanasan sa pelikula noon ay maging extra sa isang eksena sa jeepney, na hindi rin lumabas sa final cut ng pelikula.

Sa kasalukuyan, nag-aaral si Escobido ng IT Programming sa Dubai British School habang patuloy na humahakbang patungo sa kaniyang mga pangarap.

“Hindi ko pa po nalalagpasan ang lahat ng mga hamon at this very young age. Marami pa po akong mapagda-daanan. Surely I will be able to find a way para po solusyunan yung mga upcoming na hamon ng buhay, since marami din pong nakapalibot sa ’kin na mabubuting tao, especially my parents,” aniya.

Pangarap din daw ni Escobido na makagawa ng sarili niyang full-length movie at makapasok sa Hollywood. Inspirasyon niya raw ang kaniyang pamilya at mga taong tumulong sa kaniyang tagumpay.

“Mag-aaral po ako para mas mapalawak ang kaalaman ko sa filmmaking. Pangarap kong makagawa ng sarili kong full-length movie at, kung papalarin, makasali sa Hollywood,” aniya.

Lubos ang pasasalamat niya sa TBON Dubai at Project Manok na tumulong sa kaniyang makilala sa industriya.

“Sila po talaga ang nagbigay sa akin ng pagkakataon,” ani Escobido.

Mula sa pagiging tindero ng isda sa Quiapo, ngayon ay isang inspirasyon si Escobido para sa mga nangangarap. Patunay siya na walang imposible basta’t may sipag, tiyaga, at pananalig sa Diyos.

Mariah Ang